United We Stand, Divided We Fall

Orginal entry post : Click here!

Bata pa lang ako, nagtataka na ako kung bakit madaming mga tao sa paligid ko ang naguusap sa mga salitang hindi ko naman maintindihan. Noon, sa pagkakatanda ko, ay tinatakot pa ako ng aking ina na yung “babaeng kakaiba magsalita” ay yung mga kumukuha sa mga batang malilikot, salbahe at hindi umuuwi ng maaga.

Dahil dito, lumaki akong may takot sa kung sino mang marunong magsalita ng ibang lenggwahe maliban sa Tagalong at Ingles. Naalala ko pa nung mga panahong tinataguan at iniiyakan ko yung kapitbahay namin na sinasakyan naman ang kwento ng aking ina. Nang nag-umpisa akong mag-aral ng elementarya at natutunan ko kung ano ang tama sa mali at tunay sa likhang-isip, nalaman ko din sa wakas ang mga salitang iyon ay kabilang sa madaming wika sa ating bansa. Nakakagulat lamang dahil imbis na matuwa o mamangha ay ikinainis ko pa iyon, marahil dala ng panlolokong ginawa sa akin.


Simula noon, dala ko na ang galit na iyon. Kinamumuhian ko yung mga taong may punto ang pananalita nila, kahit wala naman silang ginawang masama sa akin. Nung nasa ikatlong taon na ko sa elementarya, nagkaroon ako ng tatlong bagong kaklase na pawang galing sa probinsya. (Sinabi ng guro naming kung saan-saan sila nanggaling pero hindi ko na pinakinggan iyon.) Syempre, natural na mainis ako sa kanila lalung-lalo na kapag lumalapit sila sa akin. Sa aking pansin at pagkatuwa, ni isa sa mga kaklase ko ang gustong makipagkaibigan sa kanila, marahil ay dahil sa may mga nabuo ng mga grupo ng magkakaibigan sa aming klase. (Masasabi kong wala akong kaibigan noong mga panahong iyon. Hindi ko alam, pero tingin ko, may kinalaman ang pagiging “kakaiba” ko rito.) Sinigurado ko na maipadama ko sa kanila ang aking nararamdaman. Nandiyan yung hindi ko pagpansin sa kanila kapag kinakausap nila ako. Inaaway ko din sila, sinisiraan, ininsulto at pinagtatawanan ang pagsalita nila ng Tagalog. Buong taon ay ginagawa ko iyon sa kanila. Kadalasan nga ay napapaiyak ko sila.

Kaklase ko pa rin sila ng sumunod na taon at iyon ay lubos na ikinadismaya ko pero may mga bagay na nagpasaya rin naman sa akin – una, mataas ang naging marka nung nakaraang taon. Pangalawa, may bago kaming kaklase na galing Amerika! Dahil gustong-gusto ko ang mga palabas na Ingles lalung-lalo na yung mga palabas na pambata at kartun, sinubukan kong makipagkaibigan sa kanya. Doon ko na lamang na ayaw nya pala sa Pilipinas at pinilit lamang sya ng mga magulang nya na tumira dito. Ayos na sana ang mga bagay bagay kung hindi lang sa isang bagay – ayaw nya sa mga mahihirap. Ito ang problema ko, isa akong batang lumaki sa kahirapan. Ang tanging solusyon ko ay ang magpanggap na may-kaya. Hindi naman ako nahirapan doon dahil nakikita ko naman yung mga ayos at pag-uugali ng mga katulad nila at pagkatapos ng isang buwan (dahil sa mga suhol ko, pagtulog sa mga takdang-aralin at pagpapakopya sa mga pagsusulit) naging kaibigan ko din sya. (kasama ng ilang mayayamang bata) Naging maganda din ang mga araw ko dahil naging karamay ko sya sa pang-aapi dun sa tatlo na kapwa ko mahihirap.

Kuntento naman ako sa mga nangyayari sa akin kahit na medyo di ko na nagugustuhan ang mga pinag-gagawa nung kaklase kong galing Amerika. (Pwera lang doon sa pang-aapi naming dun sa tatlo.) Akala ko hindi na mabibisto pa ang kasinungalingan ko, nagkakamali pala ako. Nung isinama ako ng nanay ko sa palengke na malapit sa amin para bumili ng mga rekado ng ulam, nakita ako nung isang miyembro ng grupong ginawa ng kaklase kong galing sa Amerika. Sa takot ko na baka sabihin nya iyon sa “lider” namin, sinabi ko sa kanya na tulad nya, isinama rin ako ng katulong namin.

Buong gabi akong nagdasal na sana ay maging maayos ang lahat pagpasok ko kinabukasan. Buti na lang, nung pagdating ko doon ay hindi naman nagbago ang pakikitungo sa akin ng mga kaibigan ko. Mas nakakatuwa pa nga dahil inimbitahan nila ako sa isang handaan na pinaplano nila. Pinaghandaan kong maigi iyon. Bumili pa nga ako ng bagong damit galing sa anim na buwan na ipon ko.

Ang usapan namin ay susunduin nila ako sa kanto na malapit sa paaralan. Pagdating ko doon ay nandoon na, hindi ang buong grupo, kundi ang kaklase kong nakakita sa akin sa palengke. Sabi nya, nauna na daw yung iba sa handaan. Ayos lang naman sa akin iyon kaya sumakay na kami sa magarang kotse na nakaparada sa tabi.

Dahil hindi naman ako talaga nakaranas ng anumang karangyaan sa buhay (pwera sa panonood ng TV na para sa akin, ay big taym na) at hindi naman talaga ako nakakagala, hindi ako pamilyar sa mga daan na dinadaanan namin. Tahimik lang ako sa loob ng kotse, nag-iisip kung bakit ang tagal na naming nagbabyahe. Nabasag lang ang katahimikan ko nang bumulong sa akin yung kaklase ko. Sabi nya kailangan muna nila akong iwan dahil may pupuntahan sila saglit na dapat ay wala silang ibang kasama. Dahil kadalasan naman ay sunud-sunuran ako sa grupo, bumaba ako ng kotse ng walang katanung-tanong.

Iniwan nila ako sa isang lugar na di ko alam. Kahit na parang wala akong nakikitang tao, hindi ako natatakot. Hindi naman ako natatakot ng ganon lang. Malaki ang tiwala ko na babalikan nila ako. Pero lumipas na ang isa’t kalahating oras, wala pa rin sila. Naisip ko na baka kung san man sila nagpunta ay may pumigil sa kanila na sunduin ako. Sumasapit na ang gabi kaya naisipan ko ng maglakad, nagbabasakaling makakita ng pamilyar na daan. Ilang oras din akong naglalakad pero wala pa rin. Nang sumapit na nga ang gabi, bigla na akong nakaramdam ng takot. Umiiyak na ako ng malakas at tumatakbo, umaasang may makarinig sa akin.

Pagkalipas ng ilang minuto, may narinig din ako sa wakas. Tumingin ako sa palagid at doon sa banding kaliwa ko ay nakita ko ang isang pigura – ng isang aso. Dahil sa lahat ng hayop ay yun ang ayaw ko, hindi ko maigalaw ang katawan ko sa sobrang takot.

Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Basta, nagising na lang ako sa isang di kilalang bahay. At ang unang mga tao na nakita ko ay ang tatlong kaklaseng kinaiinisan ko. Gusto ko sanang sigawan sila pero di ko nagawa dahil dumating ang isang lalake. Doon ko na laman na niligtas pala ako ng tatay ng isa sa kanila. Dahil sa kabutihang ginawa nila sa akin, tumahimik na lang ako hanggang sa iuwi nila ako sa amin.

Pagpasok ko kinabukasan, ay kaagad akong pumunta sa tambayan ng aming grupo para tanungin kung ano ang nangyari kahapon at bakit di na ako binalikan. Nandoon nga sila at nang papalapit na sana ako, narinig ko sila na nagtatawanan – parang narinig ko nga ata ang pangalan ko. Naisipan kong makinig muna bago magpakita. At doon, nang maintindihan ko ang pinaguusapan nila, dumiretso ako papunta sa kanila para makipag-away. Ngunit bago pa nila malaman na andun ako, ay inawat na ako ng tatlo. Sabi nila mahirap ng makipag-away dahil baka mahuli kami at masuspendido o kaya’y mapaalis sa eskwela. Dahil sa utang na loob ko sa kanila at dahil naisip ko din ang pwedeng mangyari sa akin, hindi ko na itinuloy ang balak ko at dumiresto na lang sa klase.

Simula noon ay naging mga kaibigan ko na ang tatlong minsan ay kinainisan ko dahil lamang sa iba ang unang wika nila. Mas lumawak na rin ang isipan ko sa mga tulad nila – na pantay pantay lahat ng mga Filipino at hindi ang pagkakaroon ng iba’t ibang wika ang nakakapaghiwalahay sa ating bansa kundi ang mga maling pag-iisip at diskriminasyon.

Hindi man namin naawat sa harap-harapang paraan ang grupong dati kong kinabilangan, nahikayat naman naming magsumbong sa mga guro ang mga batang tulad namin ay nabiktima nila. Dahil doon, pinatawag ang mga magulang nila at nalaman na lang namin na hindi na sila muling papasok pa.

*

Katulad ng nangyari sa kwento at tulad na lamang sa kasabihang United we stand, divided we fall: mas magiging matatag at maunlad ang ating bansa kung kakalimutan natin ang pagkakaiba natin, partikular na sa ating mga wika at kung mas pipiliin nating magkaisa ay masusolusyunan ang kahit anu mang suliranin. Sana ay gamitin natin ang pagkakaroon ng iba’t ibang wika, hindi upang siraan ang isat-isa, kundi tulungan at turuan natin ang isa’t isa para sa ikabubuti ng kapwa.

PinoyBlogoSphere.com | Pinoy Bloggers Society (PBS)
presents
Wika2007 Blog Writing Contest
Theme: Maraming Wika, Matatag na Bansa

Sponsored by:
Ang Tinig ng Bagong Salinlahi
Sumali na sa DigitalFilipino.com Club
Sheero Media Solutions – Web Design and Development
Yehey.com – Pinoy to p’re
The Manila Bulletin Online
WikiPilipinas: The free ‘n hip Philippine Encyclopedia

Disclaimer: PinoyBlogoSphere.com(PBS) claims no credit for any content(posts, articles, texts, images, videos) featured on this site unless otherwise noted. All contents are copyright to their owners/sources. PBS is in no way responsible for or has control of the content of any external web site links. Information on this site may contain errors or inaccuracies; we do not make warranty as to the correctness or reliability of the site’s content. If you own rights to any of the content, and do not wish them to appear on this site, please contact us via e-mail and they will be removed.
Your Ad Here

Speak Your Mind

Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!

  . .