Naykupu!
August 14, 2007
“Hello, Noy!” eksayted na banggit ng nanay ko sa kabilang dulo ng mundo. Ramdam ko ang kakaibang emosyon sa kanyang mga boses. Puno ito ng galak at parang batang may maraming ikukuwento.
Nanay ko nasa Amerika, kasama ng kapatid ko na nars. Umalis siya ng bansa mga apat na buwan na ang nakaraan. Ito iyong minimithi niya noon pa. Gusto niya masamahan ang aking kapatid at makatulong sa pag-aalaga ng aking mga pamangking ipinanganak at lumaki sa Amerika. Marahil naiisip din niya na makakatulong siya sa pinansiyal na pangangailangan namin dito Pilipinas.
Unang buwan niya sa Amerika, tumawag siya sa akin na mangiyak-ngiyak dahil maliban sa ini-rereklamo niyang malamig na panahon doon parati pa niyang namimiss ang kanyang apo dito sa Pilipinas. Oo nga at meron din siyang mga apo doon sa aking kapatid na babae. Pero iba pa rin ang relasyon niya sa apo niya dito na kapareho niya ng salita o wika. Nakakatawa dahil kahit graduweyt ang nanay ko ng pagka-titser, ilang pa rin siya sa salitang banyaga.
“Nay, kumusta?” Tanong ko sa kanya. Puno ng pagtataka ang boses ko. Alam ko na iinit na naman ang tenga ko sa telepono dahil puro na namang kuwento at paalala ang maririnig ko sa kanya.
“Noy, halin kami sa Texas. Nagbakasyon kami kanday Grace na amiga ni Inday. Kanami didto Noy. Parang Pilipinas ang klima kag kadamo sang pinoy.” Oo, Ilonggo kami. Si nanay kung makipag-usap sa akin, Ilonggo. Ako naman, kahit na marunong mag-Ilonggo Tagalog ang gamit ko o Filipino. Wala namang problema dito dahil nagkakaintindihan naman kami. Gustuhin ko mang magsalita sa sarili naming salita o dialect, ako ay nabubulol na kaya minamabuti ko na sa Tagalog magsalita.
Tama nga ako. Ang nanay ko talaga ay madaldal. Hindi ako makasingit sa kanya kung kami ay nag-uusap. Sa akin naman ok lang dahil nararamdaman ko na nawawala na ang lungkot na nadadarama ko sa tuwing nagsasalita siya noon. Ngayon, hyper na hyper na siya.
“Noy.” Dugtong pa niya. “Nakamasahe na ako diri. Gindala ako ni Paul sa party na puro pinoy tapos ginsiling niya na nagamasahe ako. Kilala mo si Paul? Klasmeyt ni Inday sang highschool sa San Agustin.” Si Paul ay Ilonggo din. Siguro nagkagaanan sila ng loob dahil sa iisa lang ang lugar namin sa Iloilo.
“Damo man ang namasahe ko. Ginatagaan ako sang 30 o 40 dollars. Kung maka one thousand ako diri, padala ko sa imo.” Patuloy ng nanay. Sino naman ang di matuwa niyan. Nanay ko na matanda na, malaki pa ang kikitain sa akin, at ipapadala pa niya sa akin.
“Ti nay, panay ang ingles mo doon. Siguro may slang slang ka na ano?” Biro ko sa kanya.
“Not really. I am just trying to make my face a little thick so that I can publicize my massage.” Si nanay, binigyan ako ng sample. Napangiti ako.
Mahaba pa ang kwentuhan namin. Masaya ako dahil sa aking mga narinig na kwento sa kanya. Masaya ako dahil kahit papaano, nakapag-adjust na rin siya at natututo ng makipag-sosyalan sa bansang banyaga. Naiisip ko lang kung ano ang posibleng mangyayari sa nanay ko kung di siya marunong umingles at managalog.
Sa gulang na sisenta mahigit, malaki pa rin ang nararamdaman na responsibilidad ng nanay ko sa mga natitirang pamilya niya dito sa Pilipinas. Pinipilit pa rin niyang maging productive sa isang lugar napakabanyaga sa kanya. Ang kaalaman niya sa pagmamasahe na minana pa niya sa kanyang ina, ang kanyang natapos sa kolehiyo at ang kakayahan niya sa wikang Ingles at Tagalog maliban sa kanyang kinagisnang wikang Hiligaynon ay tila sapat upang makapagbunuan sa bansang banyaga. Marahil iniisip niya na ang kanyang pamilya lang ang nakikinabang sa kanyang pera na ipapadala, pero hindi niya alam na magiging isa siya sa mga Pilipino na tumutulong sa pagsulong ng ating bansa. Payak man ang kanyang isipan, isang makabansa naman ang kanyang isinasapuso.
Napakahalaga ng wika. Isa man, dalawa o tatlo ang ating alam, mahalaga ito sa pagsulong ng ating pansariling aspirasyon. Tumutulong ito sa ating pakikitungo sa iba’t ibang tao na ating nakakasalamuha araw-araw, banyaga man o hindi.
Kung titingnan natin, ang tatlong wika na alam ng nanay ay siyang tumutulong sa kanya ngayon upang maging matagumpay sa kanyang mga minimithi. Di man siya ganoon kahusay sa Ingles, ang importante ay nai-express niya ang kanyang saloobin at nagagawa niyang respetuhin ang wika na gamit ng mga taong kanyang nakakahalubilo.
Marahil, kung kailangan ng Pilipinas ang isang matatag na bansa, dapat ay patatagin nito ang kanyang mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay halaga sa mga wikang kinagisnan, pambansa at pandaigdig. Hindi dapat ang pagpapahalaga ay sa iisang wika lamang na nagdudulot ng impresyon na supremasya ng nasasabing wika laban sa iba. Sa panahon ngayon, kailangan ang wika para mapagdugtong-dugtong ang iba’t ibang kultura sa mundo.
Maraming wika, matatag na mamamayan, matatag na bansa.
PinoyBlogoSphere.com | Pinoy Bloggers Society (PBS)
presents
Wika2007 Blog Writing Contest
Theme: “Maraming Wika, Matatag na Bansa”
Sponsored by:
Ang Tinig ng Bagong Salinlahi
Sumali na sa DigitalFilipino.com Club
Sheero Media Solutions - Web Design and Development
Yehey.com - Pinoy to p’re
The Manila Bulletin Online
WikiPilipinas: The free ‘n hip Philippine Encyclopedia
Comments
Got something to say?












