Isang Click para sa Halo Halo Espesyal Pilipino

 

 

Ako ay Filipino.

Purong purong lahi mula sa aking kulay hanggang sa aking ilong. Pilipino ang aking wika na aking kinagisnan, Ang wika ko ay nahati sa dalawa; tagalog at ilokano. Magaling akong magsalita ng tagalog pero kaunting salita sa ilokano ang aking naiintindihan. Sisihin niyo ang aking nanay na ipinagbadya na matuto akong magsalita ng wika ng aking tatay. Ang paniniwala niya ay tulad ng mga Filipino noon, kanya kanyang probinsiya ata para raw hindi tumigas ang aking dila. Noong nagkaroon ako ng trabaho sa Norte ng Luzon, gusto kong sakalin ang dakila kong ina sapagkat nagmukha akong tanga sapagkat hindi ko alam ang makipag- usap sa aking mga estudyante at katrabaho. Ang katwiran ko na lamang ay magaling naman akong magsalita ng ingles. Kayang kayang ko pang gayahin ang mga twang at accent. Ito na ang naging agimat ko, ang pag- bukod ko gamit ang wikang hindi naman sa akin. Naging mangmang ako sa sarili kong bayan. Mali naman ang aking ipinagmamalaki.

Ako ay Filipino.

Isang estranghero sa isang bansang may libo libong wika. Araw araw ay gamit ko ang wikang ingles upang makapagturo sa klase, makapagreklamo kapag nilalait sa trabaho at mag- ingay kapag ginigitgit sa tren. Ang aking dila ay hasang hasa na ngunit uhaw na uhaw naman ito. Ito ay matinding uhaw na puwede lamang maibsan ng pagsasalita ng wikang Pilipino. Tuwing may nasasalubong akong kapwa Filipino, titigil ako upang kamustahin siya. Sa lahat rin ng pagkakataon, ang kababayan ko ay hihinto rin upang tanungin kung ilang taon na akong naging malayo sa Pilipinas. Ang maintindihan ka nang tuluyan gamit ang wikang Pilipino ay nagdudulot sa akin ng pakiramdam ng paglapag ng eroplano sa NAIA. Nakakauwi na ako sa ating bayan kahit sandali lamang. Ang espesyal pang kaganapan ay nagkakaintindihan kahit na iba ang wika. Ilokano man o Ilonggo ay naiintindihan ko. Tanungin man ako sa kapangpangan, sasagutin ko naman sa Tagalog. Pareho kaming magpapaalam nang masaya ng aking kausap. Kasiyahan na nagbibigay lakas na naman upang kumayod ng buong linggo. Ipinagmamalaki ko ang wikang Pilipino sa iba’t ibang anyo nito.

Ako ay Filipino.

Mahilig akong magkaroon ng mga bagong kaibigan. Natuklasan ko at tuluyang ibinenta ko ang ang aking kaluluwa sa Internet. Nagkaroon ako ng pinto na madali kong buksan kung kailangan ko ng bagong impormasyon, balita na nagaganap sa ekonomiya ng bansa at siyempre ang manood ng mga nakaligtaang Pinoy telenovela sa Youtube. Higit sa lahat ay tulay ko ito upang panatiliin ang relasyon ko sa aking kapwa Filipino. Libo libong milya man ang nasa pagitan ko at ng aking mga kausap, hindi ito hadlang. Ang Internet ang aming malaking telepono na kapag sinagot mo, kalahati ng bansa ay naaalerto. Ngayon ko nauunawaan ang napakaraming posibilidad na naibibigay ng internet. Isang pangangailangan ng tao ay ang magkaroon ng boses at mapakinggan. Hindi ito maitatatwa ng sinuman. Binigyan ng kalayaan lalo na ang bagong henerasyon na dumiskubre sa mga nagaganap sa labas ng bansa. Mula sa paggamit ng world wide web, nagkaroon ng daan upang ang mga Filipino na ipahiwatig ang kanilang opinyon, adhikain at kahit na ipakita ang lakas ng loob na kumanta sa webcam kahit na boses yero. Ang mga Filipino ay parte na ng global na komunidad. Wala nang “Ilokano ka, ako Bisaya,. Hindi tayo pwede maging ka- berks.” Ang Internet ang malaking suntok na tumibag sa mga partido base sa iba ibang wika ng ating bansa. Ang mga Filipino ay may lakas na ng loob na lumabas na kahon ng “kanya kanya mentality.” Sa patuloy na paglaki ng bilang ng mga Filipino bloggers, pruweba na ito na mas lalong lumawak ang kaalaman ang aking mga kababayan. Ang pagsusulat sa anyo ng blogging ay naging parte na ng buhay ng mga Filipino. Tayo ay isang nasyon na may malaking hangad na umunlad. Bawat isa sa atin ay mulat sa katotohanan na tayo ay may responsibiladad na maging Darna at Captain Barbel upang sumulong ang ating bansa mula sa kahirapan. Tuwing binabasa ko ang mga blogs ng aking mga kababayan, gusto kong tumambling sa tuwa. Kung puwede pa ay tatalon ako at sisisid na parang sirena dahil sa pinagmamalaki kong ako ay Pinoy.

Ako ay Filipino.

Mahigit isang taon na akong may website kung saan ako ay may blogs at vlogs. Marami akong kaibigan na New Yorkers na nagtatanong kung ano ang dahilan na pinili kong gamitin ang wikang Pilipino sa aking pagsusulat. Ang katwiran nila ay nililimitahan ko ang mga pwede kong mabiktima na mga mambabasa. Subalit matigas ang aking ulo. Ang sagot ko ay “I chose to write in my language because I want to immerse myself in a culture that I took for granted when I was in the Philippines. It is my way of redemption by reaching out to my fellowmen and being truly proud that I am a Filipino.” Nagulat sila sa aking pang Ms. Universe pageant na sagot ngunit naintindihan nila. May mga isinulat ako sa wikang ingles pero mas nagkaroon ng mas malaking reaksyon ang mga mambabasa ko tuwing gamit ko ang wikang Pilipino. Sa ngayon, ang aking mga kaibigan ay patuloy na nag- aaral ng Pilipino upang maintindihan nila ang “humor” ng aking pagsusulat. Patuloy pa rin ang aking magsusulat hindi para sa dagdag na powers ng pagiging isang Overseas Filipino Worker pero mas matimbang na rason ang aking paniniwala.. Ang paniniwala ko na gamitin nang responsable ang Internet upang maiparating sa iba ko pang kababayan na ang mundo ay mabubuksan sa pamamagitan ng pagpindot sa isang daga. Sa bawat “click”, ang mga ipinamanang mga wika sa atin ay nagiging parte ng mundo ng Internet. Sa madaling salita, lahat tayo ay bahagi ng buong katauhan.

 

 

PinoyBlogoSphere.com | Pinoy Bloggers Society (PBS)
presents
Wika2007 Blog Writing Contest
Theme: Maraming Wika, Matatag na Bansa

Sponsored by:
Ang Tinig ng Bagong Salinlahi
Sumali na sa DigitalFilipino.com Club
Sheero Media Solutions – Web Design and Development
Yehey.com – Pinoy to p’re
The Manila Bulletin Online
WikiPilipinas: The free ‘n hip Philippine Encyclopedia

 

 

Disclaimer: PinoyBlogoSphere.com(PBS) claims no credit for any content(posts, articles, texts, images, videos) featured on this site unless otherwise noted. All contents are copyright to their owners/sources. PBS is in no way responsible for or has control of the content of any external web site links. Information on this site may contain errors or inaccuracies; we do not make warranty as to the correctness or reliability of the site’s content. If you own rights to any of the content, and do not wish them to appear on this site, please contact us via e-mail and they will be removed.
Your Ad Here

Speak Your Mind

Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!

  . .