Ang Pagladlad ng Kapa
Isa itech ofeysyal na entry ever para sa Pinoy Blogosphere Wika 2007 Blog Writing Contest. Walang kokontra, mga Mare.
Isang Linggo, nanonood kami ng aking ama ng palabas na “Mel and Jay.” Pinag-uusapan nila ang tungkol sa papaanong tinanggap ng mga magulang ang kanilang mga anak na bakla.
Papalatastas na nang sinabi ni Jay Sonza ang kanyang linya, “Magbabalik ang Mel and Jay makalipas ng ilang paalaala. Anak, Bakla Ka Ba?”
Luminga si Daddy sa akin at nagtanong din, “Anak, bakla ka ba?”
“Plangak!”
“Naman!”
“Trulili”
“Koraktsina!”
“Pasok sa banga, Tita!”
Tinignan ko ang aking ama’t sinabing, “Opo, bakit?”
Natawa na lang siya. Nagtawanan kami.
Ganito lang kasimple ang aking pagladlad sa pamilya na bakla ako, kaswal. Kasi kung tutuusin, alam ng magulang kung bakla ang anak nila, ayaw lang nilang tanggapin o baka tanggap na ng magulang ngunit hindi lang napagtatalakayan.Kumbaga, nagkakaintindihan na kayo, pero bakit tahimik pa rin kayo sa isa’t isa? Bakit hindi niyo pag-usapan?
Mahirap naman makipag-usap sa mga magulang mo sa pamamagitan lang ng titig, sulyap, ngiti, o paghawak ng kamay, dahil hindi ito sapat. Kailangan nila ng may pinanghahawakan, katibayan kumbaga.
Ito ang kahalagahan ng wika para sa akin. Isa itong kagamitang pangtalastasan upang magkaintindihan at higit sa lahat magkaunawaan ang dalawang tao, dalawang pangkat, isang tao sa isang pangkat, o sa pangkalahatan. At sa panahon ng umuusbong na teknolohiya–mula papel, radyo, telebisyon, at ngayon ang Internet–lalong umuusbong ang kahalagahan nito.
Ngunit sa kabilang banda, may mga pumupunang nagiging nakabubuti lamang ang teknolohiya sa paglaganap ng mga wikang banyaga, lalung-lalo na ang Inggles. Dahil daw dito’y naisasantabi ang paggamit ng wikang kinagisnan–mapa-Tagalog, Sinebuano, Kapampangan, o ano pa man–at mas nagagamit ang Inggles upang maintindihan tayo ng mas nakararaming tao sa buong mundo.
Sa kabila nito, hindi naman natin siguro hangad na ang ating sariling wika ay magamit lamang bilang pang-usap sa mga katulong. Kailangan nating pagyabungin ang ating wikang kinagisnan, at hindi lamang ito sa pamamagitan ng madalasang paggamit. Kailangan din itong palawakin at palaganapin. Hanga ako halimbawa sa mga blager na nagsusulat sa kani-kanilang mga wika. Kahit hindi ko maintindihan ang kanilang ibig sabihin, nararamdaman ko naman ang esensya ng kanilang saloobin.
Kaya huwag nang mahiya, iladlad ang inyong mga kapa, mapapula man na Tagalog, aqua blue na Iloko, fuschia na Tausug, o lime green na Hiligaynon. Ang mahalaga’y hindi mailagay sa tahimik ang ating wikang kinagisnan. Iputong ang korona sa ulo, kumaway sa mga tao’t sabay rampa sa entablado, buong pagmamalaking pinapakita sa madla ang kulay ng iyong kapa.
#
PinoyBlogoSphere.com | Pinoy Bloggers Society (PBS)
presents
Theme: “Maraming Wika, Matatag na Bansa”
Sponsored by:
Sumali na sa DigitalFilipino.com Club
Sheero Media Solutions – Web Design and Development
WikiPilipinas: The free ‘n hip Philippine Encyclopedia






