WIKANG FILIPINO, DAPAT PAGYAMANIN
Naririto ako sa ibang bansa, sa Amerika, mahigit sampung taon na dito, malayo sa kinagisnang bayan pero patuloy na ginagamit at namumutawi sa aking mga labi ang wikang Filipino, dahil ipinagmamalaki ko ito at patuloy na pagyayamanin maging sa aking mga anak at maging sa aking panulat, mapa- blog man, homepage, friendster o sa mga nilalathala ko sa ibang forum ay maibahagi ko man lang ang aking nalalaman.
Bagamat tayo ay nagmula sa pulo-pulong bansa ay nagkakaisa tayo sa iisang wika, ang wikang Filipino. Ang isang bansang maraming wika na tulad ng Pilipinas ay nararapat lang magkaroon ng wikang pambansa sapagkat nahahadlangan ang layunin ng bawat tao kung magsasalita sa magkakaibang wika.
Mapalad ang mga Pilipino sapagkat nagkaroon tayo ng kaalaman din na matutunan ang wikang inggles at maging ang espanyol man bukod sa ating wikang pambansa. Mula kindergarten o grade 1 man ay pinag-aaralan na natin ang inggles hanggang sa kolehiyo dangan nga lang at nahinto na ang sapilitang pagkuha sa Spanish subject na pinanghinayangan ko na hindi ko ito naabutan nang ako ay nasa kolehiyo na. Dito sa Amerika isang katangian at kakaibang kakayahan ang marunong kang mag espanyol, mas madali kang makakakuha ng trabaho. At isa yan sa mga katangian natin, ang mabilis matuto ng wikang dayuhan, marahil likas sa atin ang makipag-usap sa kapwa Pilipino na may iba’t iba ring diyalekto….iba talaga ang Pinoy!
Isang kayamanan at kakaibang katangian ang matuto ng iba’t ibang wika, dito ka makakaangat sa ibang tao upang mahikayat mo ang mga dayuhan na kaya mong matuto at makipag usap sa kanilang wika, mapapabilis ang inyong komunikasyon sa isa’t isa.
Karamihan sa mga dayuhan ay hinahanap talaga ang lahing Pilipino upang magtrabaho sa kanilang bansa dahil alam nila na marunong tayong makaintindi at makipag-usap ng inggles. Kaya nga matatagpuan natin ang ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng mundo kalimitan ay mga domestic helpers o DH, mga nurses, doctors, engineers, technicians, mechanics, cook, atbp na kilala natin sa tawag na OFW o overseas contract workers. Sila ang dahilan ngayon ng pagpasok ng dolyar na nagpapaangat ngayon sa ekonomiya at patuloy na tumutulong sa pagiging matatag ng ating bansa.
Sa kabila ng ating paggamit ng wikang dayuhan huwag nating kalilimutan ang patuloy na paggamit ng ating sariling wika lalo na kung ikaw ay nasa ibang bansa. Sa paggamit nito, dito nag-uugat ang pagkakakilala ng kapwa Pilipino na malayo sa ating bayan, dito nagkakaisa, nagbubuklod at nag-uumpisa ng panibagong pagkakaibigan. Bagong kaibigan sa bagong bayan at bagong pakikisalamuha na alam mong magbibigay pag-asa sa’yo na hindi ka nag-iisa na sa malayong lugar pala may tatanggap pa rin sa’yo bilang ikaw….bilang Pilipino.
Kaya nga huwag tayong maging dayuhan sa sarili nating wika bagkus pagyamanin ito at ipakilala sa buong mundo na ang mga Pilipino bagamat nanggaling sa mahigit pitong libong pulo ay nagkakaisa pa rin saan mang panig ng mundo….sa ating sariling wika.







thanks for the wikang filipino,dapat pagyamanin.