Posible Kaya?

Dito ako nag-umpisa. Dito sa pagsulat, pagtalumpati, at pagpapahayag sa sariling wika. Kaya nang mabasa ko ang anunsiyo tungkol sa timpalak na ito, ako ay napahinto; napatigil nang matagal-tagal. Sa ilalim ng damit at dibdib na ito na bagama’t nabasa ng ulan sa labas, may kung anong bagay ang sumiklab, pagkatapos ay umalab; at hindi naglao’y, tulad ng bunton ng kahoy na nabuhusan ng ga-as, ito ay tuluyang nagningas.

Nadadramahan na ba kayo? Hayaan nyo na ako. Matagal na – sobrang tagal na – nang huli akong sumulat at nagpahayag nang ganito. Subalit hindi ba’t tunay na masarap bigkasin ang mga salita ng ating Wikang Pambansa?

Cinco de Junio. Ah, sa Pasay ito. Sa may FB Harrison at malapit sa Cartimar at Libertad. Dekada Otsenta. Dito ako dinala ng aking alaala. Dito nag-umpisa ang paggamit ko ng wikang pambansa, ang Tagalog o Pilipino kung tawagin noon. Bagama’t Bikol ang unang wikang natutunan, madali naman akong natuto ng wikang aking ginamit nang maraming taong pag-aaral ko sa Maynila. Sa pamamagitan ng wikang ito, nalaman ko ang kwento ng ating kasaysayan; naipakilala sa akin ang ating nakaraan bilang isang lahi at ang ating mga magigiting na ninuno’t bayani; at naipaintindi sa akin ang mga samu’t saring bagay pa dito sa mundo. Sa pamamagitan din ng wikang ito unang umusbong ang hilig ko sa Arte o Sining. Sa kanyang mapangpukaw na diwa sumibol ang aking pagmamahal sa ating Inang Bayan – at ito’y ipinakita ko sa pamamagitan ng pagsulat, pagtalumpati, at kahit pag-arte sa entablado.

Kaya itong aking pagsali ay, una sa lahat, isang pagpapasalamat, pagkilala at pagpaparangal sa ating Wikang Pambansa. Pangalawa, ito rin ay isang pagkatig sa kahalagahan ng aking wikang unang natutunan at patutuloy na minamahal – ang Bikol – at sa iba pang mga wika, tulad ng Ingles, na sa tingin ko ay makakatulong din sa ating paglalakbay sa buhay sa mga panahong ito. Pangatlo, ang aking paglahok dito ay itinuturing ko ring isang oportunidad upang makapagpahiwatig ng aking damdamin tungkol sa tema natin ngayon.

Ngunit “Maraming Wika, Matatag na Bansa”? Hindi ba ito ay halos puwede nang ituring na “oxymoron” ng iba? Maraming wika at matatag na bansa? Posible kaya? Hindi ba’t sabi ng iba kaya nga tayo’y hindi magkaisa dahil sa wika na lamang ay watak-watak na? Tapos heto ngayon ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na nagsasabi: OO POSIBLE!

Sa ganang akin, ito ay posible nga. Hindi hadlang ang pagkakaroon ng maraming wika sa pagkakaisa ng ating bansa. Bagkus itong pagkakaibang ito ay isang kalakasan na dapat nating ipagdiwang. Hindi ba’t hindi maganda ang isang hardin na kung saan ang mga halaman ay pare-parehong anyo, kulay, at amoy? Ika nga ng isang banyagang manunulat:

“The garden which is pleasing to the eye and which makes the heart glad, is the garden in which are growing side by side flowers of every hue, form, and perfume, and the joyous contrast of colour is what makes for charm and beauty”

Hindi rin imposible na pagyamanin nang sabay-sabay ang wikang kinagisnan, ang wikang pambansa, at ang wikang gagamitin natin sa pakikilahok sa pandaigdigang pangangalakal, pakikirelasyon, at pagkakaisa. Mismo ang maimpluwensiyang pandaigdiganang organisasyon na Goethe-Institut (ito ay naka-base sa Alemanya) ay nagsabi na hindi lang may kakayahan ang utak na matuto ng maraming wika (multilingualism), ito rin ay paraan upang mas maging maunawain at intellectually flexible ang mga tao. Bagama’t ang kanilang pag-aaral ay ginawa para sa Europa, sa tingin ko ito ay makabuluhan din sa atin dito sa Pilipinas. Sa magkawangis na sitwasyon sa atin dito, ang Europa ay marubdob ding naghahangad ng pagkakaisa, upang maging mas matatag, sa pamamagitan ng European Union sa kabila ng mayaman din pagkakaiba-iba ng kultura, kaugalian, paniniwala, at lenggwahe ng mga tao dito. Ayon pa sa pag-aaral nila:

“To be fluent in two or more languages is an individual and social resource in contemporary Europe.”

Inaalala ko rin palagi na ang wika ay hindi lang behikulo para maipahayag ang aking saloobin, kaisipan, at damdamin, ito rin ay isang ekspresyon ng aking pagkatao o pagkakakilanlan. Ako ay Bikolano, Pilipino, at Tao.

Sa isang banda naman, buhay na buhay din sa puso’t isipan ko ang minsang nasambit ni Propesor Randy David ng Unibersidad ng Pilipinas, sa pamamagitan ng isang diskurso na kanyang binigkas sa 6th Ayala Young Leaders Congress noon taong 2004 na kung saan ako ay dumalo bilang isang delegado. Sabi ng ginagalang na propesor sa sosyolohiya:

“For better or worse, Muslims and Christians, elites and masses, and diverse ethno-linguistic communities have found themselves thrown together in A COMMON SHIP known as the Filipino Nation…a shared destiny.”

Sa madaling salita, iisang bangka lang tayo – kahit pa meron tayong mahigit sa 170ng wika at kadikit nito ay ang iba-ibang din nating kultura, paniniwala, at kaugalian. Ito ay isang katotohanan na hindi maaring itangi, ipagkaila, at pabulaanan – kahit nasaan ka man; kahit kailan man.

“Maraming Wika, Matatag na Bansa”?

“Maraming Wika, Matatag na Bansa”!

POSIBLE KAYA?

POSIBLE KAYA!

PinoyBlogoSphere.com | Pinoy Bloggers Society (PBS) presents Wika2007 Blog Writing Contest Theme: Maraming Wika, Matatag na Bansa Sponsored by: Ang Tinig ng Bagong Salinlahi Sumali na sa DigitalFilipino.com Club Sheero Media Solutions - Web Design and Development Yehey.com - Pinoy to p're The Manila Bulletin Online WikiPilipinas: The free ‘n hip Philippine Encyclopedia
Disclaimer: PinoyBlogoSphere.com(PBS) claims no credit for any content(posts, articles, texts, images, videos) featured on this site unless otherwise noted. All contents are copyright to their owners/sources. PBS is in no way responsible for or has control of the content of any external web site links. Information on this site may contain errors or inaccuracies; we do not make warranty as to the correctness or reliability of the site’s content. If you own rights to any of the content, and do not wish them to appear on this site, please contact us via e-mail and they will be removed.
Your Ad Here

Speak Your Mind

Tell us what you're thinking...
and oh, if you want a pic to show with your comment, go get a gravatar!

  . .