Huwad na Kapatiran
Kamakailan lang isa na naman buhay ang nasayang nang dahil sa walang kwentang initiation rites ng mga fraternity. Nabalita ito sa buong Pilipinas. Pinag-uusapan ng lahat. Hanggang sa ginawan pa ng segment sa isang programa sa telebisyon na kung saan ipinakita kung paano isinasagawa ng mga huwad na kapatirang ito ang hazing. Babae ang ipinapakita dito. Matapos ang hazing, kitang-kita mo kung ano ang nangyari. Halo buong katawan niya ay may pasa.
Mula nang mapanood ko ito wala na akong ibang naramdaman kundi galit. Galit sa walang kwentang paraan ng pagpapakita ng iyong katapatan at pagmamahal sa samahan. Hindi matanggap ng aking konsensiya ang aking mga nakita. Noon pang tinanong ang babae kung paano kung namatay siya sa ginawa nila sa kanya, ang sagot niya, nagtitiwala naman siya sa kanila na hindi nila gagawin ito.
Nilalason ng mga kapatirang ito ang utak ng mga sumasali sa kanila. Ginagawang dahilan ang magandang trabaho at koneksyon sa gobyerno at pribadong sektor upang bigyang katwiran ang pagpapahirap na kanilang ibibigay sa mga neophytes.
Ngunit kailanman, ang pagmamahal at katapatan ay hindi nasusukat sa karahasan na mauuwi sa kamatayan. Ang hazing ay isang patunay na hindi pa nagbabago ang klase ng lipunan na ating ginagalawan. Nabubuhay pa rin tayo sa karahasan at tinatanggap lamang natin ito.
Ngunit, hindi ito dapat na magpatuloy.
Inuudyukan ko ang kapwa ko kabataan na huwag nang sumali kailanman sa mga huwad na kapatirang ito hangga’t hindi nila inilalantad at binabago ang kanilang ginagawa. At kung hindi nila ito mababago na, marapat na lamang na tuyluyan nang buwagin ang mga kapatirang ito at nang hindi pa dumami ang mga kagay ni Cris Mendez na magdadala pa sana ng pag-asa ngunit sinayang nang dahil sa isang ritwal na umano’y simbolo ng kahandaan na maglingkod sa bayan.
Kundenahin ang kultura ng karahasan sa mga huwad na kapatirang ito.
Sana ito na ang huli.
Jose Dennio P. Lim Jr.
BA Political Science
Unibersidad ng Pilipinas Diliman






