Ang Ortograpiya ng Wikang Pambansa: Komentaryo, Katanungan, Pusisyon at Mungkahi

September 28, 2007

ANG ORTOGRAPIYA NG WIKANG PAMBANSA* (Naka-pdf)

*Ang patnubay na ito ay binuo ng Komisyon sa Wikang Filipino pagkatapos ng serye ng mga konsultasyon sa buong bansa noong 2006-07 para rebyuhin ang ortograpiyang Filipino. Maaaring magpadala ng komentaryo, katanungan, pusisyon at mungkahi tungkol sa patnubay na ito sa rnolasco_upmin@yahoo.com. Sisikapin ng KWF na ilabas ang pinal na bersyon ng patnubay bago matapos ang 2007. May bahagi ng proyektong ito na pinondohan ng Pambansang Komisyon sa Kultura at Sining (NCCA).

I. MGA GRAPEMA. Ang mga pasulát na símboló o grapéma, kabílang ang mga létra at dí-létra, at tuntúnin ang tumutúkoy sa ortógrapíya ng wíkang pámbansâ sa binuông patnúbay na itó. Sa nakáraán (2001) at kasalukúyang patnúbay (1987), nakátuôn lámang sa mga létra o alpabéto ang tinatáwag na set ng símbolóng ginagámit sa paglilípat sa nakásúlat na anyô ng sinásalitáng wíkà. Díto ay binigyáng diín ang paggámit ng mga dí-létrang grapéma.

A. Létra o alpabéto. Waláng ‘pinagkáibá ang bílang at pagkakásunód-sunód ng mga alpabéto sa nakáraán, kasalukúyan at sa binuông patnúbay: Aa, Bb, Cc, Dd, Ee, Ff, Gg, Hh, Ii, Jj, Kk, Ll, Mm, Nn, Ññ, NGng, Oo, Pp, Qq, Rr, Ss, Tt, Uu, Vv, Ww, Xx, Yy, Zz .

Lahát ng malakí at maliít na létra sa alpabéto ay karaníwang ginagámit malíban sa NG at Ñ (malakíng ng at ñ). Sa pamagát na “Ngayón at Kailánman” ay N at g ang ginagámit sa halíp na NG para sa tunóg na /ng/. Samantálâ, walá namáng salitáng nagsísimulâ sa Ñ (sa pagkakákaàlam ko). Ginagámit lámang ang mga itó kung isinusúlat sa malalakíng létra: PAMAHALAANG BAYAN NG CANAMAN (Pamahalaang Bayan ng Canaman) at NUESTRA SEÑORA DE PEÑAFRACIA (Nuestra Señora de Peñafrancia).

Ang mga létrang Cc, Ff, Jj, Ññ, Qq, Vv, Xx, Zz ay hindî ginagámit sa pagsúsulát ng mga tunóg na kinákatawán ng mga itó. Ang mga itó ay ginámit kapág hiníhirám ng buò ang salitáng banyága o katutúbò na may ganitóng létra, at sa mga pangngálang pantángî (Sa káso ng Ñ, ginagámit isinusúlat nang nang malalakí ang létra).

Kung aàlisín ang mga létrang hindî ginagámit sa pagsúsulát ng mga karaníwang salitâ sa Filipíno, ganitó ang ayos at bílang ng alpabéto: Aa, Bb, Dd, Ee, Gg, Hh, Ii, Kk, Ll, Mm, Nn, Ng ng, Oo, Pp, Rr, Ss, Tt, Uu, Ww, Yy. Búbuùín lámang itó ng 20ng létra túlad sa Abakada subálit nasa áyos Alpabétong Filipíno, at ang malakíng létrang ng ay Ng na sa halíp na NG.

Marápat lámang na hindî isáma sa alpabéto ang mga létrang hindî ginagámit malíban lámang kung manghíhirám o gagámit ng mga pangngálang pantángî (na maitutúring din na panghíhirám).

B. Dí-létra. Binúbuô itó ng mga símboló sa 1) impít na tunóg, 2) habâ at diín, at 3) mga bantás.

II. TAWAG SA MGA LETRA AT PASALITANG PAGBAYBAY.

A. May dalawáng paraân ng pagtáwag sa mga létra o alpabéto: ang táwag-”abaseda” at táwag-Inglés.

1. Táwag-”abaseda” - Malíban sa C, F, J, Ñ, Q, V, X, Z (ang walóng “dagdág” na mga létra sa ABAKADA na gáling sa mga umiíral na wíkà ng Pilipínas at sa ibá pang mga wíkà) ay pa-ABAKADA ang táwag sa mga létra. Ang mga “dagdág” ay tatawáging: “se”, “fa”, “ja”, “nya”, “kwa”, “va”, “eksa” at “za”.

2. Táwag-Inglés - Ayon sa “Ngalan ng mga Letra” (sa nakáraáng patnúbay, 2001) ang táwag sa mga létra malíban sa iláng maliít na pagbabágo: 1) ginámit ang ” ” sa halíp na / /, 2) “en ji” at hindi /enji/, at “ow” at hindi /o/.

Sundán

Comments


Got something to say?





Your Ad Here
. . . . . . . . . . . . .