Tuklasin ang Rodriguez: Ang Tagong Yaman ng Rizal

October 3, 2007

Miko Domingo Santos Class # 26
MP 10 – TFV1
UP Diliman
Unang Semestre, ‘07-‘08
#0915-7818273
Tuklasin ang Rodriguez: Ang Tagong Yaman ng Rizal

ni Miko D. Santos
Ligaya Tiamson Rubin

Guro

Mahigit sa tatlong daang kilometro kuwadradong sukat ng lupa ang nagtatanyag sa bayan ng Rodriguez bilang pinakamalaking bayan sa buong probinsya ng Rizal. Kilala rin ito sa dati nitong pangalan na Montalban, na hinango mula sa salitang Kastila na “montes” o mga bundok; dahil na rin sa heyograpikal na kalagayan ng bayan, malapit sa dalisdis ng bulubundukin ng Sierra Madre. Ang Rodriguez ay kabilang sa rehiyon ng CALABARZON at nasa dulong hilaga at ikalawang distrito ng Rizal. Binubuo ito ng labing-isang mga barangay (Balite, Burgos, Geronimo, Macabud, Manggahan, Mascap, Puray, Rosario, San Isidro, San Jose, at San Rafael), lima ang urban at anim ang maituturing na rural. Ayon sa Sensus noong taong 2000, mahigit sa sandaang libo katao ang naninirahan dito. Sa ibang salita, kulang kulang dalawampu’t limang libong pamilya at sambahayan.

Magsimula tayo sa paglalahad ng kuwento ukol sa popular na alamat ng Rodriguez. Isa si Bernardo Carpio sa mga prominenteng tauhan sa mga katutubong kuwento ng alamat at mitolohiya sa Pilipinas. Dahil karamihan sa sinaunang Pilipinong literatura ay oral o pabigkas, nagkaroon ng iba’t ibang bersiyon ang alamat na ito. Gayunpaman, karamihan sa mga ito ay nagtataglay ng iisang ideya: na si Bernardo Carpio, maging higante man siya o kasinlaki lamang ng pangkaraniwang tao, ay nagtataglay ng pambihirang lakas kawangis ng kay Hercules ng mitolohiyang Griyego. Maging noong bata pa lamang si Bernardo Carpio ay nagpamalas na siya ng ‘di pangkaraniwang lakas. Ito ang dahilan kaya’t pinangalanan siyang “Bernardo Carpio” ng kaniyang ina, mula sa bayani ng isang Europeyong alamat na si “Bernardo del Carpio.” Marahil ito ay dahil na rin sa impluwensiya ng mga Kastila na noon ay nasasakupan pa tayo. Hindi naglaon, siya ay naging pinuno ng isang rebeliyon laban sa mga Kastila. Nakarating ang impormasyong ito sa mga Espanyol at kinatakutan nilang magtagumpay si Bernardo Carpio gamit ang lakas nito. Kaya sa tulong ng isang “engkantado” at ng “agimat” nito, iginapos sa tanikala at inipit si Bernardo Carpio sa gitna ng dalawang higanteng bato sa kabundukan ng bayan ng Montalban. Pilitin man niyang makaalis at makawala ay wala siyang magawa laban sa kapangyarihan ng “agimat” ng “engkantado.”
Ayon sa mga naninirahan malapit sa maalamat na dalawang malalaking bato, sa tuwing magkakaroon ng lindol at mga pagyanig, ito raw ay bunga ng pagpupumilit ni Bernardo Carpio na makawala sa pagkakatanikala at pagkakaipit niya sa mga bato. Ayon naman sa mga ibang bersiyon ng alamat, pinipilit paghiwalayin nin Bernardo Carpio ang dalawang nag-uumpugan na higanteng bato. Iba-iba rin at hindi magkakatugma ang tinuturong dahilan. Nadiskubre ko na may siyentipikong basehan ang paniniwala na nito, ukol sa paglindol, ng mga taong nakatira sa Wawa, ang partikular na pangalan ng lugar. Sa katunayan, sakop ng tinatawag na “Marikina Valley Fault System” ang nasabing mga bato.
Personal kong tinungo ang lugar upang makita ang sinasabi nilang higanteng mga bakas ng yapak ni Bernardo Carpio. At akin ngang nasaksihan ang mga ito—gahiganteng mga bakas ng paa sa gitna ng dalawang malabundok na bato, na nagpapatunay ng eksistensiya ng isang magiting na bayani. Sinasabi ngang maging sina Jose Rizal at Andres Bonifacio ay nagbigay pugay kay Bernardo Carpio. Si Rizal, sa pamamagitan ng minsang pagbisita sa Montalban at si Bonifacio, sa pamamagitan ng paggawa sa mga kabundukan ng Montalban bilang isa sa mga lihim na tagpuan ng Katipunan sa kanilang mga pagkakatipon.
Kung susuriing mabuti, ang alamat ni Bernardo Carpio ay may mas malalim na kahulugan, lalo na kung titingnan ang kondisiyon ng Pilipinas noon. Ang pag-aalpas at pagpupumilit ni Bernardo Carpio sa tanikala at pagkakaipit ay sumisimbolo sa kagustuhan ng mga Pilipino noon na makawala na kadena ng pagkaalipin sa kamay ng mga dayuhang mananakop. Ang aplikasiyon naman nito sa ngayon ay ang kagustuhan ng kontemporariyong mga Pilipino na makaahon mula sa kahirapan.
Sa kasalukuyan, ang mga kabundukan ng Rodriguez ay nagsisilbi ring isa sa mga dinarayong lugar ng mga turista, lalo na iyong mga mahilig sa magagandang tanawin ng kalikasan at gustong mag-sight seeing. Marami nang mga pelikula ang dito napiling mag-shooting, sa malaparaisong ganda ng kapaligiran. Nasa bandang gitna ng dalawang higanteng bato ang Wawa Dam, isang dam na nagsusuplay ng tubig sa ilang bahagi ng Rizal at Metro Manila. Sa lugar ding ito ay may malabatis na tanawin na napapaligiran ng malalaking puting bato, tila baga isang representasiyon ng isang lugar ng mga diwata at engkantada na ipinapakita sa pelikula at telebisyon.
Ang pinakabagong lugar sa Rodriguez na dinarayo ng mga turista at ng mga nag-fi-field trip ay ang Montalban Zoological Park na mas kilala bilang Avilon Zoo. Halos linggo-linggo itong fini-feature sa programa ng GMA7 na “Lovely Day” dahil na rin sa napakaraming variety ng mga hayop at ibon dito, bukod sa katotohanang halos isang oras lang ang bihaye patungo rito mula sa pusod ng lungsod. Sa kasalukuyan, ito ay ang pinakabago at pinakamalaking “zoological park” sa buong bansa. Mayroong mahigit sa limandaang iba’t-ibang species ng mga hayop ang dito matatagpuan, kalahati ay sa Pilipinas lamang makikita. Ang Avilon Zoo ay nagpaparami rin ng mga endangered at endemic species tulad ng mouse deers, civet cats, Palawan badgers, scoop owls, at iba pa. Sa katunayan, i-fi-feature nga ng Discovery Channel ang Avilon Zoo dahil sa matagumpay nitong pagkaka-breed sa Gray’s Monitor Lizards, na kauna-unahan sa daigdig. Ang ilan pa sa mga species ng hayop na nasa pangangalaga ng Avilon Zoo ay mga liyon, isang kawan ng Victoria Crown Pigeons, Mindanao hornbills, mga Arboreal tree kangaroo, Palawan armadillos, mga orangutan, Malaysian tapirs, Argentinean capybaras, Canadian bobcats, Burmese rock-phythons, tarantulas, mga pawikan, mga tigre, Palawan porcupines, Luzon cloud rats, at samo’t sari pang mga hayop hindi lamang mula sa Pilipinas kundi maging galing sa iba’t ibang bansa at kontinente. Sabi pa nga nila, ang presentasyon at ambience ng Avilon Zoo ang nag-aangat dito sa ibang mga zoo ng kalakhang Maynila.
Bukod sa Wawa Mountains at Dam na para sa mga adventure-loving at sa napaka-educational na Avilon Zoo, puno rin ng mga swimming resorts ang bawat sulok ng bayan ng Rodriguez tulad ng karamihan ng mga bayan sa probinsya ng Rizal. Dito sa mga lugar na ito maaaring mag-bonding ang buong pamilya o ‘di kaya’y barkada.
Ang pangalan ng bayan ng Rodriguez ay nagmula sa apelyido ng dating naging Pangulo ng Munisipyo ng Montalban noong 1906 hanggang 1916—si Eulogio “Amang” Adona Rodriguez, Sr. Bukod sa pagiging Gobernador ng Rizal noong 1916 hanggang 1922, nanungkulan din siya bilang Alkalde ng Maynila taong 1923, Representatibo ng ikalawang distrito ng Rizal, Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura at Komersyo, at Senador ng Republika ng Pilipinas sa ilalim ng Partido Nacionalista. Si “Amang” Rodriguez din ang pinakamatagal nananungkulan bilang Pangulo ng Senado sa kasaysayan ng Pilipinas, pagkatapos ng pangulong Manuel L. Quezon na dati rin niyang kapartido. Ang politikal na tagumpay niyang ito ay naging sapat na upang itanghal siya at ipagmalaki ng kanyang pinagmulang bayan, ang Montalban; na hindi nga naglaon ay ipinangalan sa kanya bilang paggunita sa kaniyang kadakilaan at marangal na pagsisilbi sa bayan at bansa. Sa katunayan, mayroon ring isang avenue sa lungsod ng Quezon na sa kaniya ipinangalan.
Ang isa pang maituturing na bayani na nagmula sa bayan ng Rodriguez ay si Licerio “Cerio” Geronimo, isang heneral ng Puwersang Rebulusyonariyo ng Pilipinas ni Emilio Aguinaldo. Isa rin siyang tapat at magiting na miyembro ng Katipunan, at walang dudang may direktang komunikasyon kay Andres Bonifacio. Dahil dito, maraming pagkakataong sa mga kabundukan at kuweba ng Montalban ginanap ang ilan sa mga lihim na pagkakatipon ng Katipunan. Sa pamumuno ni “Cerio” Geronimo, tinalo ng kanilang grupo ang tropa ni Major General Henry Ware Lawton sa Battle of Paye (ngayon ay San Mateo) noong Disyembre 19, 1899. Sa sanaysay nga ni Antonio Isidro, isang guro sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1930s, na pinamagatan niyang “General Licerio Geronimo: An Obscure Hero of the Past Revolutions,” isinalaysay niya ang talambuhay nig Heneral at binigyang diin ang kaniyang mga naging kontribusyon para sa bayan. Bilang pagkilala sa kaniyang katapangan at kagitingan, sa kaniya ipinangalan ang
isang barangay (Geronimo) at isang pampublikong paaralan sa sekondarya (General Licerio Gerónimo Memorial National High School), pawang nasa bayan ng Rodriguez, Rizal.
Kailan lamang ay nanalo si Josephine Constantino bilang “Grand Star Dreamer” sa isang popular na reality TV show ng ABS-CBN2 na “Pinoy Dream Academy.” Sinong mag-aakalang si Yeng pala ay nakatira malapit sa mga kabundukan ng bayan ng Rodriguez? Isang buhay na patunay na hindi lang pangkasaysayan at pangkalikasan ang Montalban, maging sa industriya ng makabagong musika ay may ibubuga rin. Hindi ba’t nakisabay ang buong Pilipinas sa kaniyang awiting “Hawak Kamay”? Hindi nakapagtatakang ang sumunod niyang album ay naging “Triple Platinum” sa pagkakabenta ng mahigit sa 90,000 na kopya (Hindi pa kasama ang libo-libo pang mga pirated CDs na naibenta sa mga bangketa at palengke!).
Sina “Amang” Rodriguez, “Cerio” Geronimo, at “Yeng” ay ilan lamang sa mga taong nagmula sa bayan ng Rodriguez na talaga namang dapat ipagmalaki at bigyang pagpapahalaga ng kanilang mga kababayan dahil sa pagdadala nila sa pangalan ng kanilang bayang pinagmulan, saan man sila magtungo. Tulad ng mga estudyante ng mga unibersidad, bawat isa’y tila bagang isang representatibo ng kanilang mga bayan. Tulad ko, isang iskolar ng bayan, magsusumikap na balang araw ay maipagmamalaki rin ng sarili kong bayan at mga kababayan.
Bukod sa mga kabundukan, biniyayaan din ng Inang Kalikasan ang Rodriguez ng mga likas na yaman at mga anyo ng lupa at tubig tulad ng mga batis, ilog, parang, at mga kaburikiran. Ito ang dahilan kaya maraming natural resources at mga produkto ang dito kinakalakal gaya ng palay, tubo, mani, mga root crops tulad ng ube at kamote, mga prutas at gulay gaya ng guyabano, santol, langka, petsay, mustasa, papaya, pipino, atis, abokado, siniguelas, rambutan, saging, mangga, buko, tsesa, mais, at samo’t sari pang iba.
Sagana rin ang mga ilog at iba pang katubigan ng mga isda tulad ng tilapia at dalag. Sa katunayan, madalas nga ay nangingisda ang aking lolo na siya naman naming inuulam pagsapit ng gabi. Mayroon ding mga graba at buhangin na dito inaangkat. At ang mga kakanin tulad ng biko ay hindi maaaring mawala sa hapag kainan ng bawat pamilya sa tuwing may okasiyon gaya ng “Montalban Day” na ipinagdiriwang sa tuwing malapit na ang katapusan ng taon.
Kung “WOW Philippines” ang sa Kagawaran ng Turismo ng bansa, “WOW Montalban” naman ang tag line ng turismo ng Rodriguez, Rizal. Kung ikukumpara noon, taas-noo kong masasabi na mas maunlad ang turismo ng bayan ng Rodriguez ngayon—mas maraming mga komersiyal na establisimento, mas maraming sementado at malalawak na lansangan, mas maraming tourist attractions, at laging isinasaalang-alang na hindi maipagsawalang-bahala ang natural na ganda ng Rodriguez taglay ang mayamang mga regalo ng Inang Kalikasan.
Tunay na napakasarap magsulat ng tungkol sa sarili mong bayan, lalo na kung ito ay talaga namang nararapat ipagmalaki at itanghal—mayamang kultura at katangi-tanging mga konsepto at ideya, saganang likas na yaman ng kalikasan at ng Lumikha, mayabong na ekonomiya—lahat ay tumutukoy sa isang maunlad na bayan, ang bayan kong sinilangan, ang tagong yaman ng Rizal, Rodriguez… tuklasin natin.
Sanggunian

  1. Cresencia G. Santos at Lydia R. Domingo, ang aking mga lola
  1. Marites G. Santos at Merlina S. Dela Cruz, ang aking mga tita
  1. Mga eksklusibong panayam sa ilang residente ng Wawa, Rodriguez, Rizal

Bibliyograpiya

Mga Akdang Sinipi at Online References

“Ang Alamat ni Bernardo Carpio: a Philippine Legendary Hero.” “http://katig.com/alamat02.html

“Avilon Zoo.” “http://en.wikipedia.org/wiki/Avilon_Zoo

“Eulogio Rodriguez.” “http://en.wikipedia.org/wiki/Eulogio_Rodriguez

Isidro, Antonio Santos. General Licerio Gerónimo: an Obscure Hero of the past Revolutions. Quezon City: Department of Education, UP, 1926
“Licerio Gerónimo.” “http://en.wikipedia.org/wiki/Licerio_Ger%C3%B3nimo

“Official Avilon Zoo web site.” “http://www.avilonzoo.com.ph

“Rodriguez, Rizal.””http://en.wikipedia.org/wiki/Rodriguez,_Rizal

The Nacionalista Party before the Electorate. Manila: Nacionalista Party, 1941

“Yeng Constantino.” “http://en.wikipedia.org/wiki/Yeng_Constantino

Ang May Akda

Sa kasalukuyan, si Miko D. Santos ay isang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Siya ay nasa ikalawang taon na sa kaniyang kursong Bachelor of Arts in English Studies, major in English Language. Mahilig siyang magsulat kapwa sa wikang Filipino at Ingles. Sa unang taon niya sa sekondaryang paaralan, nanao siya sa Buwan ng Wika sa paggawa ng tula sa Filipino (ikatlong pwesto) at sa pagbigkas ng sarili niyang komposisyon (kampyon), kalaban ang lahat ng kalahok sa lahat ng taon sa sekondarya. Nakatutuwang malaman na tungkol din sa bayan ang tulang ito. (Ang nasabing tula ay makikita sa ibaba.) Dahil dito, sa tuwing nagkakaroon ng mga okasyon sa paaralang iyon, lagi siyang naiimbitahang maghandog ng maikling presentasyon. Malugod at buong puso niya namang pinauunlakan ang lahat ng mga ito. Sa katunayan, pangarap niyang makapaglimbag ng sarili niyang libro balang araw. Idolo at inspirasyon niya si J.K.Rowling sapagkat ang Obra nitong Harry Potter Series ang tanging mga libroniyang binasa nang “pabalat sa pabalat,” bukod sa mga libro ni Bob Ong at mga nobela ni Rizal. Kung matutuloy man ang munting pangarap sa kaniyang puso na maging manunulat, ang naig sana niyang maging pen name o pseudonym ay “Mr. Yoso.” Kapag may sinusulat siyang mga papel pang-akademiko tulad nito, ipino-post niya ang mga ito sa kaniyang mga online blog.

Nagtapos siya ng elementarya bilang “unang karangalang banggit” sa isang pampublikong paaralan sa bayan niyang Rodriguez, Rizal; at ng sekondarya naman sa New Era University sa Diliman, lungsod ng Quezon, kasama sa group honors bilang “may karangalan” at kabilang sa tinaguriang “Kalipunan ng Huwarang Kabataan.”

Isang bagay na kakaiba sa kaniya? Sa bahay ng lolo ng lolo niya sa Cuyapo, Nueva Ecija nagtago at nahuli ng mga Amerikano ang dakilang lumpo na si Apolinario Mabini.
“Ang Munting Makata”

Doon sa isang bayan,
Rodriguez ang pangalan
Ay may munting makatang
May natatanging kakayahan
Kay galing gumawa,
Bumigkas ng tula
Kaya mga taga-bayan
Ay napapahanga.
Isang araw ay nagkaroon ng isang paligsahan
Kaya’t siya’y sumali ng walang alinlangan
Mga kalahok ay taga-ibang bayan
Kay sarap panoorin ng napakagandang laban.
Kay daming kalahok
Na napakagaling
Ngunit siya’y nagsumikap
At hindi nagupiling.
Mga kalahok,
Unti-unting natatalo.
Salamat sa tulong ng Diyos,
Munting makata’y nanalo!
Sa wakas natupad na ang kaniyang pangarap,
Sa mabunying paligsaha’y nanalong ganap
Ngunit kahit natupad na
ang kaniyang pangarap
Ang pinanggalingan niya’y ‘di malilimutan.

August 2002

Tags:

gibson guitars

Comments


10 Responses to “Tuklasin ang Rodriguez: Ang Tagong Yaman ng Rizal”

  1. Joey C. Belza on December 24th, 2007 9:56 pm

    To the Author:
    Thank you very much for having this information concerning Rodiriguez, Rizal and I will be a resident of San Rafael, Rodriguez soon upon transferring to my house at Phase 3, Block 30, Lot 2, Centelle Homes, San Rafael Rodriguez. I want to meet you opon returning back to the country. Im currently working as an OFW in Qatar.
    Joey C. Belza
    Cell Roaming no. 0920-239-6007

  2. Joey C. Belza on December 24th, 2007 9:58 pm

    To the Author of the Poem:
    You’re really great peom writer and I feel that u wrote it with all your heart.
    See you in Rodriguez soon.

    Joey C. Belza
    Qatar

  3. lacy on January 24th, 2008 5:53 pm

    please tell ur name, address, email, at syempre lahat about ur self. pagbuthin m rin ang pagsusulat bec. hindi maganda ang cnulat mo!!!!

  4. PinoyBlurker » Blog Archive » links for 2008-01-25 on January 25th, 2008 11:27 pm
  5. conie on January 29th, 2008 8:20 pm

    Good Day and Greatings of Respect po sa lahat can i have the talambuhay ni Ligaya G. Tiamson Rubin. project lang poh..thanks in advance

  6. conie on January 29th, 2008 8:21 pm

    hope you can help me poh

  7. glenda mayor on July 11th, 2008 1:04 pm

    hi pano ko mllaman ang e-mail add ng geronimo national high school please cnfirm me importante lng……….. montalban is greart…. mganda tlga………. give ufp to good work montalban…………sana mas lalo png pgandahin

  8. glenda mayor on July 11th, 2008 1:17 pm

    puede ko bng mlamn ang email-add ng geronimo national high school plz cnfirm me kailngan ko lng tlga ganda ng montalban sana mas lalo png pgandahin give up the good works

  9. Krizel Gomez on August 16th, 2008 3:24 pm

    yeah!!
    pinalitan na ba talaga yung pangalan ng montalban???
    ganda talaga ng montalban..
    keep it up!

  10. DANILO GUIANG on September 4th, 2008 6:35 am

    GOOD DAY ,

    NG NABASA KO ANG IYONG TOPIC NA HOME SICK AKO PARA BANG GUSTO KO NANG UMUWI .

    BEST REGARDS . SANA DAGDAGAN MO PA ANG FEATURES MO MARAMI KA PANG HINDI NABANGIT .

Got something to say?





Your Ad Here
. . . . . . . . . . . . .