Chiswisang Baklush en Leksh Edades de Impormasyones
October 6, 2007
Miko Domingo Santos
MP 10 – TFV1
UP Diliman
Unang Semestre, ‘07-‘08
mikodsantos@yahoo.com
Chiswisang Baklush en Leksh Edades de Impormasyones:
Ang Gay Lingo sa Panahon ng Impormasyon
ni Miko D. Santos
Panimula
Hindi lihim sa atin ang malalaking mga pagbabago sa wikang ginagamit nating mga Pilipino sa ating panahon ngayon—ang Panahon ng Impormasyon. Ang papel na ito ay tatalakay sa dalawang magkaugnay na konsepto, ang Panahon ng Impormasyon at ang yumayabong na wika ng mga bading, ang sward language o gay lingo, lahat ay sa konteksto ng Pilipinas. Sa ilang pahinang papel na ito, susubukan kong himayin ang mga pinagmulan, kasaysayan, mga dahilan, mga teorya (personal at reperensyal), at ang kasalukuyang gamit at epekto sa mga Pilipino ng dalawang bagay na ito, lalo na ang kanilang kaugnayan sa isa’t-isa.
Ang Panahon ng Impormasyon
Sinasabing ang Panahon ng Impormasyon ay ang panahon pagkalipas ng Panahon ng Industriyalisasyon. Mabilis at madaling pagkalap, pagtatabi, at pagpapalitan ng impormasyon ang katangian ng bagong panahon. Noong dekada ‘80 ito nagsimula sa kanluran, at ‘di hamak na mas huli ang Pilipinas at iba pang Third World na mga bansa. Ang pagkakaimbento ng telepono at telegrapo ay nagdulot ng malaking tulong upang mabuksan ang daan tungo sa ganitong panahon. Lalo na nga nang umunlad ang teknolohiya, mga kompyuter, cellphone, at iba pang mga makabagong gamit pantelekomunikasyon na mabibisang mga pamamaraan para sa mabilis na pagpapalitan ng impormasyon, gaano man ito kalaki o karami. Sa kasalukuyan, ang mga multinasyonal at multibilyong-dolyar na mga kompanyang Microsoft at Google ay ilan sa mga nangunguna kapag pinag-uusapan ang mga teknolohiyang pang-impormasyon.
Ang isa pang mabisang tagapagbigay ng impormasyon sa atin ay ang media, sa mga dyaryo o tabloid man, o sa radyo at telebisyon. Napakalaki ng ipinagbago ng paraan ng pagkuha ng impormasyon noon kaysa ngayon, sa Panahon ng Impormasyon. Hindi na limitado ang pagre-research sa pagsangguni sa mga libro. At kung kailangan mo mang gumamit ng libro mula sa silid-aklatan, dito sa UP Diliman, mayroon nang Web Online Public Access Catalog (OPAC), isa nanamang mabisang produkto ng Panahon ng Impormasyon; kaya hindi na kailangan ang konbensyonal na mano-manong paghahanap sa mga katalog ng aklatan. Sabi nga nila, mapalad ang mga tao ngayon sapagkat nasa dulo na ng ating mga daliri ang mga impormasyong ating kailangan. At sa isang pindot lang sa isang buton ay nariyan at sasambulat sa harap ng iyong mga mata ang sangkatutak at ‘di mabilang na impormasyon. Syempre, ito ay naging posible sa tulong ng kompyuter at internet. Pinaliliit ng mga inobasyon at teknolohiyang ito hindi lang ang mundo kundi pati na rin ang pagpoproseso at pagpapalitan ng mga kaalaman. Yamang napakahalaga ng mga kaalamang ito sa ating mga tao, ano pa nga sa ating mga mag-aaral, gayon na rin ang kahalagahan ng mga gamit at teknolohiyang ito. Oo nga’t mayroon itong kaakibat na mga disadbantahe, tulad ng madali at lantarang pornograpiya at plagyarismo, pero hindi pa rin maikakaila ng sinuman ang napakalaking (o posibleng pinakamalaki) bahagi nito sa Panahon ng Impormasyon.
Ang Gay Lingo sa Pilipinas sa Panahon ng Impormasyon
Chiswisang baklush, gay lingo, sward language, gay language, sward speak, showbiz slang, at gay slang ang ilan sa mga katawagan sa isang varyasyon ng wikang Filipino, Ingles, at maging ng wikang Kastila. Pidgin ang tawag ng mga lingwista sa uri ng wikang ganito. Ang mga wikang pidgin ay nabubuo dahil sa pangangailangan ng ilang grupo ng tao na makipag-usap sa isa pang grupo ng tao na may ibang wikang sinasalita. Karaniwang may pinagmumulan ito na “Inang wika” o lexifier(s). Bukod sa Taglish o Enggalog, at Coño English, isa pang halimbawa ng pidgin sa Pilipinas ay ang dayalektong “Chabacano.” Ito raw ay nabuo dahil kailangang makipagtalastasan ng mga taga-Mindanao sa mga Kastilang mangangalakal. Dahil dito, ang lexifier ng Chabacano ay ang wikang Espanyol. Gayunpaman, hindi kagaya ng Chabacano na may sarili nang alituntuning gramatika o balarilang sinusunod, sa ibang salita ay isa nang stable pidgin, ang gay lingo sa kabilang banda ay isa pa lamang pre-pidgin, walang sinusunod na unibersal na tuntuning gramatika. Halimbawa, kung ikaw ay gagamit ng gay lingo, walang makapagsasabi sa iyo na mali ang iyong balarila, o mali ang iyong pagbigkas sa isang salitang mula sa gay lingo.
Ang gay lingo ng isang lugar sa Pilipinas ay maaaring may pinagkaiba, o ibang-iba, sa iba pang mga lugar sa bansa. Gayunpaman, mayroong isang nangingibabaw na uri nito na tatawagin ko sa papel na ito na showbiz slang. Sa aking palagay, ito ang pinakapopular na gay lingo, dahil sa impluwensya ng media, tulad ng telebisyon, radyo, at pahayagan, isang hayag na patunay ng pag-apekto ng Panahon ng Impormasyon sa gay lingo sa Pilipinas.
Bukod sa media, maging sa mga tradisyunal na libro ay may gumagamit rin ng gay lingo, o ‘di kaya’y ang pangunahing konsepto ay ukol sa mga bakla. Ang halimbawa nito ay ang mga diksyunaryo at talasalitaan ng gay lingo at ang piksyonal na librong “Zsa Zsa Zaturnah” na nagtatampok ng isang parloristang bading na naging superhero(ine). Ginawa rin itong isang dulang panteatrong musikal at pelikula na pinagbidahan ng mga artistang sina Eula Valdes at Zsa Zsa Padilla.
Sa telebisyon, ang mga dokyumentaryo ay ang pangunahing napagkukunan ng kaalaman ng mga Pilipino sa samo’t saring mga bagay, kasama na rin ang ukol sa gay lingo. Karaniwan ring mapapanood ang paggamit ng gay lingo, partikular na ang showbiz slang, sa iba’t-ibang mga talk show. Gayunpaman, hindi ang mga sosyal na artista o selebriti ang gumagamit ng wikang ito, sino pa ba kundi ang mga bading din. Ginagamit nila ito sa mga blind items gaya ng “Da Who” ng “Startalk” ng GMA7.
Maging sa mga pahayagan ay mayroon ring mga artikulo na naglalaman ng showbiz slang, lalo na sa mga tabloids. Sa seksyon pa rin ng Entertainment kadalasang matatagpuan ang ganitong klase ng mga artikulo. Upang mailagay sa konteksto natin sa UP, ang Kule (Philippine Collegian), ang opisyal na lingguhang pahayagan ng mga mag-aaral dito sa unibersidad, ay isang malaking patunay ng malaking saklaw ng Panahon ng Impormasyon sa gaylingo, at ang lumalawig na saklaw at impluwensya ng gay lingo sa ating mga Pilipino, maging sa ating mga mag-aaral. May isang regular na kolum sa Kule, ang “Eksenang Peyups,” na pamalagiang gumagamit ng gay lingo. At interesanteng malaman na isa itong kolum na naglalahad ng blind items, tulad ng mga nasa telebisyon at dyaryo. Bakit kaya pawang nasa gay lingo ang ganitong mga blind items?
Ang isa pang bahagi ng media, at gayon na rin ng Panahon ng Impormasyon, ang radyo. Sa aking palagay, wala namang gumagamit ng gay lingo sa A.M. na mga istasyon ng radyo, sapagkat pawang mga seryosong mga programa at balita ang mapakikinggan dito. Samantala, sa F.M. talamak ang malawakang paggamit ng showbiz slang. Ang karaniwang mga gumagamit nito ay ang mga DJ (Disc Jockey) na babae at bakla. Partikular na rito ang mga DJ na madalas kong napapakinggan sa 90.7 Love Radio, ang “Tambalang Balasubas at Balahura,” sina Cris Tsuper at Nicolliala. Kapansin-pansin ang madalas nilang paggamit ng showbiz slang. Ang ilang mga popular na halimbawa ng ganitong mga termino at ekspresyon ay ang mga sumusunod: 1.) chuva, chorva, kaekekan, checheboreche, achuchu; 2.) friendships, bonggacious, grabeycious; at napakarami pang iba. Kapunapuna ang pagkakapareho ng bawat pangkat ng mga salitang mula sa gay lingo. Ang mga nasa unang lupon ay mga salitang maaaring gamitin bilang panghalip, maaari silang tumukoy sa kahit anong bagay, tao, gawain, o pangyayari. Biruin mo, bukod sa “siya,” “ikaw,” “ako,” “tayo,” “ito,” “iyon,” “sila,” at “kami,” ay may maidadagdag pa palang mga panghalip sa balarilang Filipino. Patunay na kahit slang man itong ituring ng nakararami, nakapagpapayaman at nakapagpapayabong ng bokabularyong Filipino, pati na rin ng kultura, ang gay lingo. Sa kabilang banda, sa ikalawang grupo ng mga salita, mapapansin ang direktang paghango nito sa wikang Filipino at Ingles at sa pagsasama dito. Kung tutuusin, sa Filipino man o sa Ingles, mali at hindi katanggap-tanggap ang gramatika o paggamit ng mga nasabing salita. Halimbawa, ang “friendships” ay ginagamit sa gay lingo upang tumukoy sa mga kaibigan, samantalang ang wastong kahulugan nito sa Ingles ay “pagkakaibigan.” Para bang sinadyang maliin ang paggamit sa mga salita at ekspresyong ito. Kung iaanalisa, maaaring sinasabi o iniisip ng mga baklang nagpasimula ng ganitong mga mali-mali at carabao English na: “Hoy, oo nga’t mali-mali ang pag-Ingles ko at Ingles kalabaw pa, pero hindi ako nahihiya dito, at tulad din nito, hindi rin ako nahihiya na bakla ako!” Maaari ngang ganito ang katuwirang nakakubli sa likod ng pamali-maling Ingles na mga ekspresyon sa gay lingo. Kaya ang paggamit nila ng gay lingo ay maaaring isang simbolo ng kalayaan at karapatan na inaasam nilang matanggap mula sa isang lipunang mapanghusga at mapangmata, tulad din ng mali-maling nilang paggamit ng wikang Ingles, isang pagkakamali kung sasangguniin ang mga batas gramatiko na inilatag ng mga tao sa atin. Kagaya rin ng nabanggit ko kaninang paggamit ng gay lingo ng mga blind items upang magpasabog ng mga eksplosibong tsismis tungkol sa mga artista. Sa ganitong mga aspeto, tila sumisimbolo talaga ng kalayaan ang gay lingo.
Sabi nga nila, sinasalamin ng wikang ginagamit ng isang tao ang kanyang kinalalagyan sa lipunan, o social status. Pansinin natin na sa gay lingo, bagaman itinuturing na wika ng mga bading, hindi naman lahat ng mga bading at bakla ay gumagamit nito; at hindi rin naman limitado sa mga bading ang paggamit nito, may mga babae at “babaeng bakla” ring tumatangkilik sa gay lingo. Samantala, kapag may isang lalaking gumamit ng gay lingo, maaari siyang husgahan agad ng mga tao o ‘di kaya’y maging kontrobersyal at kwestyunin ang kanyang pagkalalaki.
Ang mga sosyal o may class na bading ay bihira namang gumamit ng gay lingo. Sina Boy Abunda, Ricky Reyes, at Fanny Serrano ang mga popular na halimbawa nito sa showbiz. Sa kabilang banda, ang madalas namang gumamit ng gay lingo ay ang mga bakla sa mga beauty parlor at mga salon, na alam naman nating hindi kataasan ang estado sa lipunan. Samakatuwid, ang paggamit ng gay lingo sa pagsasalita o ‘di kaya’y sa pagsusulat ay maaaring sumalamin ng iyong social status sa lipunan.
Ang gay lingo, oo nga’t pinasikat at pinapaging-popular ng media at showbiz, subalit hindi natin agad masasabi na sa media nga ito nagsimula. Sa aking palagay, nabuo ang gay lingo sa loob ng mga grupo ng mga bading at bakla na, tulad nga ng teorya ukol sa pagiging pidgin nito, dahil sa pangangailangang makapagkomunika sa isa’t-isa, unti-unting nakabuo ng isang sistema ng mga makabago at makabuluhang salita at binigyang kahulugan ang mga ito. Maaari ring isang dahilan ng pagbuo nila ng ganitong wika ay upang magkaroon ng sarili o pribadong pag-uusap silang mga bading, na walang makaiintinding ibang tao maliban sa kanila, kahit pa direkta itong nakikinig sa kanila. Gayunpaman, dahil nga sa lumalakas na popularidad ng gay lingo, hindi maikakatwang malaking bahagi na ng bansa ang nakakaalam o nakakaintindi ng ganitong wika, na tila binuo bilang mga secret codes. Kaya marami na sa mga codes na ito ang hindi lihim ang kahulugan sa atin.
Isa pa sa aking mga personal na teorya tungkol sa pinagmulan at pagkakabuo ng gay lingo sa Pilipinas ay ang paggamit ng tayutay na onomatopeya. Karamihan sa mga termino ng gay lingo ay nagtataglay ng kakaibang tunog. Ang ganitong uri ng pagbuo ng mga salita sa isang bagong wika ay maaaring makapagpakulay ng bokabularyo nito.
Bukod sa mga sangkap ng media tulad ng telebisyon, radyo, at mga pahayagan, mayroon ding mga produkto ng Panahon ng Impormasyon na tumutulong magpalaganap ng gay lingo sa bansa—ang mga makabagong gamit pantelekomunikasyon kagaya ng kompyuter, internet, at maging mga telepono at cellphone. Halata naman ang impluwensya ng kompyuter at internet sa pagbibigay kaalaman sa mga tao tungkol sa gay lingo. Sabi nga nila, ito ay ang pinakamabisa, pinakamabilis, at pinakamadaling paraan ng pagkalap ng impormasyon sa ngayon, at maaaring ito na ang pinakamahalagang produkto ng Panahon ng Impormasyon. Sa katunayan, maging ang ilan sa mga reperensiya ng papel na ito ay hinango ko mula sa dagat ng impormasyon na makukuha sa internet o world wide web (www). Sa kabilang banda, ang impluwensya naman ng telepono at cellphone sa gay lingo ay hindi kapantay ng nagagawa ng internet dito. Ang mga popular na ehemplo dito ay ang iba’t-ibang mga text jokes na gumagamit ng gay lingo. Sa aking pagsasaliksik para sa papel na ito, natuklasan ko na sa pamamagitan lamang ng iyong cellphone ay maaari ka nang matuto ng gay lingo! Makakatanggap ka araw-araw ng mga termino at ekspresyon ng gay lingo kung magsu-subscribe ka sa “Chuva Gay Lingo” text promo ng ABS-CBN Interactive. Ganito ang isinasaad ng patalastas nila sa internet: “CHUVA GAY LINGO: Para mas bonggacious ka sa mga friendships mo, subscribe na sa Showbiz Slang! Text CHUVAON to 2366 for your daily gay terms and expressions. Each text costs P2.50 for for Globe, Kapamilya, Smart, Talk N Text and Addict Mobile subscribers; P2.00 for Sun Cellular subscribers.” (Paalala: Hindi ako isang endorser ng ABS-CBN, ni ng mga cellphone networks sa itaas, ipinapakita ko lang ang eksaktong patalastas nila na matatagpuan sa internet.)
Paglalagom at Konklusyon: Isang tanong, isang sagot.
Tunay ngang sa panahon ngayon, abot kamay na nating mga Pilipino ang lahat ng impormasyon sa mundo, maging tungkol man sa gay lingo, sa paggamit nito, o sa mayamang bokabularyo nito. Ang malaking katanungan ngayon ay: Tatangkilikin kaya ng mga Pilipino, ngayon at sa hinaharap, ang ganitong impormal na wika? Ang panahon lamang ang makasasagot sa katanungang ito at tayong mga Pilipino ang magpapasya nito.
Bibliyograpiya
“Chuva Gay Lingo.” ABS-CBN Interactive.
“Filipino 101: Wika, Varyeysyon at Varayati.” Planet NAGA: Aggregation of Everything Naga City.
“Information_Age.” October 3, 2007.
Lee, Ma. Glaiza. The Manila Bulletin Online.
Sadiri, Walden. The Manila Bulletin Online. “Eula Valdez: Not bitter that she’s not considered for Zsa Zsa Zaturnnah the movie.”
Tan, Michael. “The English divide.” Inquirer.net. 08/29/2007
Pasasalamat
Pinasasalamatan ko ang lahat ng mga nakatulong sa aking pagbuo at pagsulat ng papel na ito, direkta man o indirekta. Ang mga may akda ng aking mga reperensya sa papel na ito, sa lahat ng aking mga ideyang nabuo dahil sa pag-iisip sa mga bagay-bagay, at sa lahat ng mga nagbasa, at magbabasa ng papel na ito, maraming salamat po!
Ang May Akda
Sa kasalukuyan, si Miko D. Santos ay isang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Siya ay nasa ikalawang taon na sa kaniyang kursong Bachelor of Arts in English Studies, major in English Language. Mahilig siyang magsulat kapwa sa wikang Filipino at Ingles. Sa unang taon niya sa sekondaryang paaralan, nanao siya sa Buwan ng Wika sa paggawa ng tula sa Filipino (ikatlong pwesto) at sa pagbigkas ng sarili niyang komposisyon (kampyon), kalaban ang lahat ng kalahok sa lahat ng taon sa sekondarya. Nakatutuwang malaman na tungkol din sa bayan ang tulang ito. (Ang nasabing tula ay makikita sa ibaba.) Dahil dito, sa tuwing nagkakaroon ng mga okasyon sa paaralang iyon, lagi siyang naiimbitahang maghandog ng maikling presentasyon. Malugod at buong puso niya namang pinauunlakan ang lahat ng mga ito. Sa katunayan, pangarap niyang makapaglimbag ng sarili niyang libro balang araw. Idolo at inspirasyon niya si J.K.Rowling sapagkat ang Obra nitong Harry Potter Series ang tanging mga libro niyang binasa nang “pabalat sa pabalat,” bukod sa mga libro ni Bob Ong at mga nobela ni Rizal. Kung matutuloy man ang munting pangarap sa kaniyang puso na maging manunulat, ang naig sana niyang maging pen name o pseudonym ay “Mr. Yoso.” Kapag may sinusulat siyang mga papel pang-akademiko tulad nito, ipino-post niya ang mga ito sa kaniyang mga online blog.
Nagtapos siya ng elementarya bilang “unang karangalang banggit” sa isang pampublikong paaralan sa bayan niyang Rodriguez, Rizal; at ng sekondarya naman sa New Era University sa Diliman, lungsod ng Quezon, kasama sa group honors bilang “may karangalan” at kabilang sa tinaguriang “Kalipunan ng Huwarang Kabataan.”
Isang bagay na kakaiba sa kaniya? Sa bahay ng lolo ng lolo niya sa Cuyapo, Nueva Ecija nagtago sa kisame at nahuli ng mga Amerikano ang dakilang lumpo na si Apolinario Mabini.
“Ang Munting Makata”
Doon sa isang bayan,
Rodriguez ang pangalan
Ay may munting makatang
May natatanging kakayahan
Kay galing gumawa,
Bumigkas ng tula
Kaya mga taga-bayan
Ay napapahanga.
Isang araw ay nagkaroon ng isang paligsahan
Kaya’t siya’y sumali ng walang alinlangan
Mga kalahok ay taga-ibang bayan
Kay sarap panoorin ng napakagandang laban.
Kay daming kalahok
Na napakagaling
Ngunit siya’y nagsumikap
At hindi nagupiling.
Mga kalahok,
Unti-unting natatalo.
Salamat sa tulong ng Diyos,
Munting makata’y nanalo!
Sa wakas natupad na ang kaniyang pangarap,
Sa mabunying paligsaha’y nanalong ganap
Ngunit kahit natupad na
ang kaniyang pangarap
Ang pinanggalingan niya’y ‘di malilimutan.
August 2002
Comments
5 Responses to “Chiswisang Baklush en Leksh Edades de Impormasyones”
Got something to say?













im doin a thesis about gay lingo.. any help??
I am also doin a thesis for this matter. it’s a gud thing that you made this kind of information! I think we can help one another?! through e-mail.
nice one!!!
ano ba ang epekto ng wikang gingam8 ngaun sa mga tabloid sa pag-uugali ng mga estudyante?
hi….its me again.. may you pls. tell me if you have any books there in your school. that is somewhat philosophical? because i am doin a philosophical thesis.