Babala!

Wala akong pasok ngayon kaya nagpakabusog ako sa hamburger ng TGI Friday’s. Naglibot-libot sa jologs na mall sa tabi-tabi at pumila para kumuha ng ID. Pag-uwi ko, natulog akong parang baboy at pilit ninamnam ang mga piling sandali ng pahinga. Pero ginising ako ng malakas na katok ng isa sa mga pinaka iiwas-iwasan kong bisita dito sa tate.
Anak ng tinapang hilaw naman o! Sa lahat ng dadalaw sa’kin eh si <i>ka lungkutan</i> pa!
Asus! Sawa na’kong makainuman yung nilalang na yun. Sa Pinas,bigla na lang siyang susulpot tuwing pagkatapos naming magpakasaya ng ex-girlfriend ko. Eepal na lang siya bigla sa gabi ntuwing mag-isa ako. Hilig niyang makipag-inuman sa’kin pag mag-isa ako at walang pera galing sa trabaho. Hobby niyang kumatok kapag naba-blanko ka sa buhay mo. Ewan ko ba naman dito kay <i>ka lungkutan</i>o! Ang lakas ng trip. Hanggang dito sa tate sinusundan pa din ako.
Mahirap na kasi pag dinalaw ka niya eh. Makikipag-inuman siya sa isipan mo habang pinupulutan niyo ang mga alaalang nagpapasikip ng dibdib mo. Lalasingin niya ang isip mong gusto nang matulog hanggang sa mararamdaman mo na lang na para kang nakalutang. Yun bang tipong lumulutang yung isip mo sa gitna ng mga bagay na dapat mong iintindihin (bills, responsibilidad, pamilya, pag-ibig, etc) pero gusto mo munang kalimutan nang sandali. Buti sana kung nakakadagdag init yung pag-iinom niyo eh. Kaso hindi. Lalong pinalalamig ng alak na dala ni <i>ka lungkutan</i> ang hangin ng winter na siyang madalas mong kayakap sa gabi.
Hindi din naman siya madaling paalisin. Lalo na at mahaba na rin ang pinagsamahan niyo. Hindi mo na nga matandaan kung kailan at saan kayo unang nagkakilala eh. Ang alam mo lang, palagi mo siyang karamay sa mga panahong naliligaw ka, walang matakbuhan, nalilito, naguguluhan, o nag-iisa. Hindi ka niya paiiyakin tulad ng sibuyas. Pasisikipin lang niya ang dibdib mo hanggang sa puntong ang hininga niya ay maging hininga mo na rin.
Pero may choice ka. Ako, medyo sawa na’ko sa inuman blues namin ni <i>ka lungkutan.</i> Tamang pang hayskul lang un at pang emo-emohan. Dito sa tate, pag madalas mo siyang pinadadalaw sa’yo, bibigay ka agad. Lalo na at malayo ka sa pamilya, mga kaibigan at mga taong nagmamahal sa’yo, ang mas kailangan mo ay tatag at lakas ng loob na huwag pagbuksan ang mga katok ni <i>ka lungkutan.</i>





