DYIPNI: NOON, NGAYON, AT MAGPAKAILANMAN

September 7, 2008

DYIPNI: NOON, NGAYON, AT MAGPAKAILANMAN

by Miko D. Santos

Ang papel na ito ay tumatalakay sa iba’t-ibang konsepto kaugnay sa mga dyipni sa Pilipinas at mga bagay-bagay na may kaugnayan dito tulad ng tsuper at iba pang mga tao, bagay, at kaugalian. Ito ay batay sa aking sariling pag-oobserba at pagkakaunawa, bagama’t ang ilan ay batay sa mga librong aking sinipi.

Ang paraan o metodolohiya na aking ginamit sa aking pagsulat ng papel na ito ay “narration” at nasa kronohikal na ayos mula sa pagkakadala ng mga Amerikanong sundalo ng dyip sa Pilipinas hanggang sa kasalukuyan at ang posibleng hinaharap nito. Gayunpaman, hindi sakop ng papel na ito ang dyipni at iba pang uri ng mga sasakyan sa ibang mga bansa; bagama’t mayroong ilang mga bansang gumagamit din ng dyipni bilang transportasyon.

Mula Batanes hanggang Tawi-tawi, mula Palawan hanggang Davao Oriental, sa madaling salita’y saan mang sulok ng Pilipinas, sa kanayunan man o sa lungsod, siguradong mamumutawi sa iyong mga mata ang sari-saring kulay at disenyo ng libo-libong mga pampublikong dyipni sa bansa. Sa buong kalakhang Maynila pa nga lamang ay mayroon ng humigit-kumulang limandaang libong mga dyipni (hindi pa kasama sa bilang ang mga colorum na dyipni). Kilala rin bilang PUJ o Public Utility Jeepney, ang dyipni ay tinagurian na ngang “trademark” o tatak ng mga Pilipino pagdating sa usapang lansangan.

Bilang pangunahing pampublikong sasakyan sa bansa at tinuturing din na “Hari ng Kalsada”, ang dyipni ay ang pinakapopular na sasakyan sa Pilipinas. Minsan nga’y tinawag din na “Pambansang Sasakyan” ng Pilipinas bukod sa kalesa. Marahil dahil na rin sa baba ng pamasehe rito kung ikukumpara sa pag-tataxi o sa paggamit ng sariling sasakyan, sa taas ng presyo ng krudo at gasolina sa mga panahon ngayon. Kaya naman panay ang pagpoprotesta ng ilang mga tsuper para sa pagtaas ng pamasahe na siya namang ikinaiinis ng ilang mga pasahero.

Mula sa salitang ingles na “jeepney”, ito ay nanggaling sa dalawang katagang jeep at jitney. Dinala sa Pilipinas ng mga Amerikanong sundalo noong ikalawang digmaang pandaigig (WWII), ang dyipni ay unang ginamit bilang sasakyang pandigmaan (tingnan ang Larawan 1). Tinawag itong G.P. (jee-pee) o “for General Purposes only1.” Nang kinalaunan ang “jeepee” ay naging “jeep” na lamang. Ang jitney naman ay galing sa salitang Pranses na “jeton2” na ang ibig sabihin ay coin o token o “barya” sa Filipino, sumisimbolo sa mababang pamasahe dito. At nang pinagsama ang jeep at jitney, ito ay naging jeepney3 na ginagamit natin hanggang sa kasalukuyan, tulad din ng pag-eetimolohiya sa mga salitang bolo, boondock, calesa, juramentado at iba pa.

Bagaman galing sa ibang bansa ang una at maliit na anyo ng dyipni, Pilipino naman ang lumikha ng bagong anyo at disenyo nito na nakikita pa rin natin hanggang ngayon (tingnan ang Larawan 2a at 2b); mas mahahaba at makukulay nga lamang ang mga kontemporaryong dyipni sa kasalukuyan.

Batay sa aking masusing pag-reresearch4, siya ay walang iba kundi si Clodualdo “Clod” Delfino, isang musikero at kompositor ng mga kanta. Gayunpaman, siya ay nalulungkot dahil sa mga taong gumaya sa kanyang “orihinal” na dyipni at nakinabang dito, sa halip na siya sana ang nagtamo ng karangalan at karangyaan, kung naiparehistro o nai-patent lang sana niya ito noong 1945. Ang sabi pa niya, “Noong panahong walang hanapbuhay ang mga musikero, ang Maynila ay kapos na kapos sa transportasyon. Kaya naman nagkaroon ako ng ideya na baguhin ang war surplus jeep at gawing isang pampasaherong sasakyan. At ako ang unang bumiyahe at kumita nang dahil dito.” Gayunpaman, hindi siya nag-iisa; mayroon ding ilang pinoy na naka-isip ng ganoong ideya at pumasada rin gamit ang dyipni. Humiram si Clod ng tatlong daang piso sa kanyang ate at bumili ng dyip sa Grace Park Surplus Depot. Ang una niyang mga ruta ay: Pasay-Vito Cruz, VitoCruz-Quiapo, Quiapo-Pier, Quiapo-Grace Park, City Hall-Sta. Cruz. Ang singil niyang pamasahe ay piso, isang malaki nang halaga noong mga panahong iyon na dalawang piso pa lang ang katumbas ng isang dolyar. Pagkalipas ng ilang panahon, ipinagbenta niya ang kanyang dyipni sa isang kaibigan sa halagang tatlong libong piso at hindi na niya ito nakita pang muli. Kaya naman laking pagsisisi niya sa huli nang ang kanyang naimbento at dinisenyong dyipni ay nagkamal ng limpak limpak na salapi at kasikatan sa industriya ng transportasyon sa Pilipinas.4

1 Morris, William and Mary. Dictionary of Word and Phrase Origins. p.198

Weekley, Ernest. A Concise Etymological Dictionary of Modern English. p.218

2 Holt, Alfred. Phrase and Word Origins: A Study of Familiar Expressions. p.146

3 Gove, Philip Babcock. Webster’s Third New International Dictionary. p.1212

4 Torres, Emmanuel. Jeepney. pp.36,37,39

Sa ngayon, mayroong mga pagkaka-uri ang dyipni. Isa ang tinatawag na owner-type jeep na ginagamit para sa pansariling gamit at pangangailangan lamang. At ang kanina pa tinatalakay na pampasaherong dyip o PUJ ay siyang pangunahing paksa sa papel na ito.

Ang Sarao Motors ay isa sa mga pinakauna at pinakasikat na kumpanyang gumagawa ng mga dyipni sa bansa. Ito ay itinatag ng magkakapatid na Sarao, sa pangunguna ni Leonardo Sarao4 (tingnan ang Larawan 3). Sa moderno at kontemporaryong dyipni, mayroong iba’t ibang parte o bahagi, at mga borloloy na wala sa ibang uri ng sasakyan (tingnan ang Larawan 4).

Isipin mong unang pagkakataon mo pa lang sumakay ng dyipni, malamang ikaw’y mauntog sa bubong nito sapagkat ang isang tao ay kailangan munang yumuko upang makasakay at makalabas dito, maliban na lang kung siya ay hindi pinagkalooban ng katangkaran. Kakaiba rin na magkakaharap ang mga pasahero dito, hindi tulad sa ibang sasakyan gaya ng bus at kotse kung saan pawang nakaharap ang mga pasahero sa harapan ng sasakyan. Kapag matagal-tagal ka na sa iyong biyahe bilang isa sa mga pasahero, hindi mo maiiwasang mangawit ang iyong mga kamay at braso. Pero huwag mag-alala, nandiyan naman ang stainless hawakan sa may kisame ng dyipni. Kapag minalas-malas ka naman, lalo na ngayong panahon ng mga bagyo, at inabutan ka ng ulan, hindi ka rin naman mababasa sapagkat nandiyan din ang trapal ng dyipni na proteksyon mo sa pagkakabasa.

Kung ikaw naman ay nababagot sa tagal ng iyong biyahe, huwag mahiyang magbasa-basa muna ng mga nakapaskil na patalastas, anunsyo, paalala, at iba pa na nasa loob ng dyipni, kung hindi ako nagkakamali’y nasa bandang likod ng upuan ng tsuper, malapit sa basurahan kadalasan (kung mayroon). O kaya naman’y makinig (at minsan’y hindi mo talaga maiiwasan) sa rock at RNB na music ng stereo ng dyipni. At sa wakas, kapag ikaw ay nasa iyong destinasyon na, hindi ka na mahihirapang sumigaw ng “para” (lalo na kung medyo bingi ang tsuper ng nasakyan mong dyipni) sapagkat nandiyan din ang lubid na hihilahin mo na lang at ibababa ka na sa tabi.

Batay sa aking obserbasyon sa tuwing sumasakay ako ng dyipni, ang mga pasahero ay nauuri rin sa tatlong kategorya. Siyempre, hindi kasama ang upper class sapagkat mayroon silang sariling magagarang mga sasakyan at drayber; at kung mag-cocommute man sila’y malamang sa taxi sila sasakay. Ang unang uri ay ang middle class. Ito ay binubuo ng mga taong may edad na dalawampu pataas. Sila yung mga office boys and girls, mga guro, mga propesyonal na hindi nakabili ng sarili nilang sasakyan dahil naubos sa pagpapakadalubhasa nila, at iba pa. Sumunod na klase ang semi-middle class. Ito yung mga alanganing middle class o lower class. Edad nila’y labinglima pataas. Mga estudyante ang karaniwan, at ang iba nama’y mga housewives at househusbands. Huli ang lower class na binubuo ng kahit anong edad, basta yung tipong hindi nagbabayad ng pamasahe. Mahahalata mo sila (1) kung nakasabit sila samantalang hindi pa naman puno ang dyipni; (2) kapag sila’y natutulog (o nagtutulug-tulugan) kahit na sobrang ingay ng sound system ng dyipni; (3) laging nakatingin sa likod ng dyip, hindi mapakali ang mata, at hindi makatingin sat super; (4) ang iba naman ay laging sa dulo nakaupo upang “ready-to-go” sa pagtakbo. Ang taguri sa kanila ay mga 1-2-3 boys. Noong una ay nagtataka ako kung bakit “1-2-3” ang tawag sa hindi pagbabayad ng pamasahe sa dyipni. May nakapagsabi sa akin na kaya “1-2-3,” dahil magbibilang muna sila ng “isa-dalawa-tatlo” bago sila tumakbo ng matulin, palayo sa dyipni.

Minsan naman talaga ay hindi maiiwasang makatulog habang nakasakay sa dyipni, lalo na kung puyat ka at antok na antok ka na. Ngunit, babala! Kailangan pa ring maging alerto kapag matutulog sa biyahe, sapagkat sinasamantala ito ng mga masasamang-loob. Masuwerte ka na kung madukutan ka, kaysa naman malagay sa piligro ang buhay mo kapag may biglang sumigaw ng “HOLDAP ‘TO!” wala ka nang magagawa kundi ibigay ang iyong pera, cellphone, at valuables; kung gusto mong pumalag at lumaban, nasasa-iyo na iyon pero mas praktikal kung isusuplong mo nalang siya sa pulisya pagkaalis niya. ‘Di ba? At least buhay ka.

Ang isa pang pwedeng masamang mangyari sa iyo habang nakasakay sa dyipni ay ang maaksidente. Mabangga sa trak, mahulog sa ilog, mabangga sa poste o di kaya’y sa concrete barrier ng MMDA, iyan ang mga posibleng mangyari sa sinasakyan mong dyipni. Kaya naman ang ginagawa ng ilang pasahero (tulad ko) ay kinikilatis muna ang tsuper ng sasakyang dyipni, kung lasing ba ito o mukhang lulong sa droga o mukhang di mapagkakatiwalaan ng iyong buhay. Sabi nga nila, hawak ng tsuper ang buhay ng kanyang mga pasahero.

Tutal tinatalakay ko ang tungkol sa mga aksidente sa lansangan, babanggitin ko na rin ang aking naging karanasan dito. Ako mismo ang nakaranas ng pagkakabundol ng sasakyan, at hindi dyipni, isang napakalaking pampasaherong bus ang nakabundol sa akin noong Enero 2005 sa Tandang Sora. Kaya nga nagtayo na ng overpass doon ngayon, sapagkat may isang lalaking muntik nang mamatay doon, ako iyon. Ilang segundo lang ang pagitan ko sa kamatayan. Mabuti na lang at naipreno agad ng tsuper ang minamaneho niyang bus kaya galos at bukol lang ang tinamo ko. Kung nagkataon ay hindi ko mararanasang mag-aral dito sa Unibersidad ng Pilipinas. Maging ang nakababata kong kapatid ay himalang nakaligtas sa pagkakabundol ng tricycle sa kanya sa tapat ng aming dating bahay. Ang lolo ko naman ay hindi nakaligtas nang mabangga siya ng isang dyipni habang siya’y nagmamaneho ng tricycle pauwi noong Enero 2002. Ilang linggo rin siyang na-comatose bago siya tuluyang pumanaw. Hindi nagtagal, namatay rin ang ina at bunsong kapatid ko noong Hulyo 2002. Pagkatapos noon, napagtanto ko na ang buhay ng tao ay kawangis ng bulang sa isang kisap mata’y madaling mawala. Batay din sa mga datos, malaki ang porsyento ng aksidente bawat taon bilang dahilan ng kamatayan sa Pilipinas. Nakalulungkot isipin na ang mga sasakyang ginawa para sa ikagiginhawa ng tao ay siya pang nagiging dahilan ng kamatayan ng iba. Maaaring isisi ito sa ilang mga tsuper na barumbado, balasubas, balahura, at walang ingat sa pagmamaneho, sabi nga sa ingles ay “reckless driver.

Sa kabilang banda, hindi maitatangging malaki rin ang naibibigay na ginhawa ng mga pampublikong sasakyan sa mga pasahero lalo na sa mga tsuper dahil ito ang kanilang ikinabubuhay. Maging sa programa sa telebisyon ng ABS-CBN na Wowowee, ang mga mapapalad na nananalo ay nakatatanggap ng mga bagong dyipni (care of W.L. Foods Company) na malaki ang naibibigay na tulong sa kabuhayan ng mga nanalo. Ang dyipni nga ay totoong kapaki-pakinabang, ngunit sa kabilang panig ay pwede rin magbigay ng kapahamakan, at higit pa’y wakas sa mga tao.

Mayroong mga mabubuti at positibong kaugalian ang mga Pilipino sa loob ng dyipni na nakatutuwang banggitin tulad ng pag-aabot ng pamasahe ng ibang pasahero (tingnan ang Larawan 5). Ito ay ginagawa kapag malayo sa tsuper ang nagbabayad kaya iaabot ang kanyang bayad sa drayber at iaabot din ang sukli (kung mayroon). Ang kaugaliang ito ay aking pinagtatakahan noong ako’y musmos pa lang. Nang aking itanong sa aking lola, ang sagot niya ay isa raw itong paraan ng pagpapakita ng pagkamamamayan at pagiging magalang nating mga Pilipino.

Gayunpaman, mayroon din tayong ilang kababayang “pasaway” at tila nakalilimot sa prinsipyong ito. Sa aking pagmamasid sa tuwing ako ay sumasakay ng dyipni, marami-rami rin akong naobserbahang “pasaway” kahit may tamang pag-iisip na, daig pa nga sila ng mga bata na tuwang-tuwa sa pag-aabot ng bayad ng iba. Ang ibang mga “pasaway” ay tila nagbibingi-bingihan at hindi pinapansin ang katabing nagsasabi ng “Makikiabot lang po.” Ang iba naman ay nagtutulug-tulugan kahit halata naming gising. Haaaay… Ang sarap nilang pagbabatukan nang magising sa katotohanan. Ano ba namang mawawala sa kanila kung iaabot nila iyon? ilang calories ba ang mababawas sa kanila? Marahil para sa kanila ay kabawasan iyon sa pinakaiingatan nilang “pride.” Ngunit kahit na ganoon, hindi iyon makatuwirang palusot para maging exempted sa nabanggit na kaugaliang pinoy na pinoy.

Isa pang kapansin-pansing kaugalian nating mga Pilipino ay ang pagsabit sa likuran ng dyipni. Kapag puno na ng pasahero ang dyipni mong nais sakyan at ikaw ay nagmamadali, lalo na kung “one in a hundred jeepneys” ang ruta ng nais mong sakyan, hindi talaga maiiwasan ang pagsabit sa mga dyipni. Bagama’t delikado, marami pa rin ang sumasabitsa dyipni. Kaya naman dito sa unibersidad, hindi pinahihintulutan ang ganitong gawain.

Kapag ang isang dyipni ay may dinaanang isang simbahang Katoliko, mapapansin ang isa pang kaugalian ng mga pasaherong Katoliko. Ito ay ang “pag-aantanda” nila na para sa kanila’y katumbas na ng panalangin. Para bagang maikling simbolo na may kahulugang “God bless our trip.” Ito’y isang gawaing nagpapakita ng pagkarelihiyoso ng mga Pilipinong Katoliko.

Ang isa pang napakagandang kaugalian ng mga pinoy ay ang panlilibre ng kapwa pasahero sa dyipni. Kapag may nakasabay siyang kaibigan, kapamatok, kabagis, kaklase, kaopisina, o maging kakilala lamang, kanya itong ililibre ng pamasahe. Minsan pa nga’y may pagtatalo kung sino ang manlilibre (kapwa gustong manlibre). Kahit ang iba’y hindi rin naman maituturing na mayaman, nagagawa pa rin nilang manlibre. Sana nga ay manatili pa ang ganitong mga mabubuting asal nating mga Pilipino sa hinaharap.

Ang bayad, pamasahe, o fare sa ingles ay marami ring pinagdaanang pagbabago. Noong unang pagkakataon kong sumakay ng dyipni, apat na piso pa lang ang minimum fare sa isang pampublikong dyipni. Batay sa aking mga nabasa at napanood, mayroong panahon dati na napakababa pa lamang ng presyo ng pamasahe. Tsk! Tsk! Tsk! Talaga naman oh… Marahil ang pangunahing dahilan dito ay ang pagtaas din ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Dahil dito, mayroong ilang mga pasahero na natutuksong hindi magbayad, kabilang dito ang nabanggit kanina na “1-2-3 boys.” Kaya naman sa mga dyipni, kung inyong napapansin ay may mga nakasabit o nakadikit na paalala at karatula na may nakasulat na: “God knows HUDAS not pay” o kaya naman ay “Bayad muna, Bago baba,” may ilan ding “Barya lang po sa umaga” at “Magbayad ng maaga upang hindi maabala.” Mayroon ding nananakot at nangongonsensya tulad ng “Ang hindi magbayad, sa KARMA, bayad ka na!”

Ang isa sa pinakamahalagang aspekto sa pagtalakay ng dyipni ay ang mismong tsuper nito. Paano nga naman aandar ang dyipni kung walang drayber? Dahil may tito ako na isang tsuper ng dyipni, alam ko, sa personal na point of view, na hindi sapat ang kinikita ng mga tsuper ng dyipni sa Pilipinas upang matustusan nila ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya. Bukod sa kadalasang mahinang biyahe dahil walang sumasakay sa pinapasada mong luma at kakarag-karag na dyipni, iaawas pa sa kakarampot mong kita ang boundary na ibibigay mo sa may-ari ng dyipni.

Subalit heto, mantakin niyo, hindi lang “basta-basta” ang mga Pilipinong tsuper. Batay sa aking pag-oobserba, may tinataglay din silang angking “katalinuhan.” Una, sila pala mismo ay may sariling sistema ng pag-uuri at pagkakategorya ng mga pasahero na hindi katulad ng nabanggit sa ikalawa at ikatlong mga pahina.ng papel na ito. Ang tatlong kategorya ay ang mga sumusunod: Ang isa ay ang “patpatin,” ito ang mga pasaherong sa sobrang payat ay iisipin mong nag-over diet o kaya nama’y wala lang talagang makain. Karaniwan, sila’y mga bata, estudyante, mga kolehiyalang slim, at mga senior citizen. Ikalawa ay ang “normal built,” sila’y mga office boys, collegians, at ilang mga magulang (Parents po at hindi iyong ibang kahulugan). At ang huling uri ay ang “XL,” sila yung mga overweight sa kabila ng kanilang puspusang pag-dadiet at pag-gigym, talagang nasa genes na nila ang katabaan. Ang ganitong mga pasahero ay hirap makasakay sa mga pampublikong sasakyan sapagkat iniiwasan sila ng mga tsuper dahil sa halip na waluhan sana ang makasasakay sa dyipni, nagiging anim o pito na lamang, na siyang ikinalulugi ng mga tsuper. Dati nga’y nagkaroon ng isyu sa bansa kung marapat lang bang doble ang ibayad ng mga kabilang sa ”XL.”

Kaya naman hindi maaaring masabi ng sinuman na walang angking karunungan ang mga tsuper ng dyipni sa Pilipinas. Isa pang patotoo na aking napansin ay ang kanilang pagsaalang-alang ang mga dyipni sa harap at likod ng kanilang sariling pinapasadang dyipni. Kapag pareho kasi sila ng ruta ng nasa unahan niya, malamang doon sumakay ang mga pasahero sa halip na sa dyip niya. Ang gagawin niya kapag ganito ang sitwasyon ay mag-overtake agad upang ang kanyang dyipni ay mapuno ng mga pasaherong nag-aabang. Malamang dito sa pamantasan ay hindi ito nangyayari sapagkat mayroon tayong maayos at organisadong sakayan at babaan o terminal ng mga dyipni.

Alerto rin ang mga tsuper sa mga nakasabit sa dyipni dahil bukod sa katotohanang maaaring holdaper ito, baka ordinaryong pasahero lang ito na walang balak magbayad. Kadalasang tinatago nila ang kanilang ulo sa may bubungan ng dyipni, nang sa gayon ay hindi sila mapansin ng tsuper.

Mayroon namang katulong ang ilang mga tsuper sa loob ng dyipni. Sila ang mga konduktor. Ang ilang tsuper nama’y wala nito, marahil sapagkat iniisip nila na mababawasan pa lalo ang kakarampot na nilang kita dahil siyempre, hahatian din nila ang konduktor ng kita sa maghapon niyang pagtulong. Ang konduktor ang nag-aasikaso sa mga bayad at nag-cocompute ng sukli ng mga pasahero upang hindi na maabala ang tsuper sa kanyang pagmamaneho, nang makaiwas sa aksidente. Ang konduktor ay kapansin-pansing tingin ng tingin sa mga pasahero, wari bagang kinokonsensya at binabalaan ang mga may balak mag-1-2-3.

Ang mga barker o dispatcher naman ang tagasigaw at tagatawag ng mga pasahero. Karaniwan silang matatagpuan sa mga sakayan at babaan, mga kalsada at lansangang matao. Ang kapalit ng boses at pawis nila sa pagkakabilad sa mainit na araw ay kaunting barya na iaabot ng tsuper sa kanila.

Kung ikaw naman’y isang pasahero at nakahinto ang sinasakyan mong dyipni dahil traffic, bigla kang magugulat sa paglitaw ng mga gusgusing bata na pagpupunasan ang sapatos mo (kahit nakatsinelas ka lang), at sabay manlilimos ng barya sa iyo. Kapag ikaw ay kuripot at ayaw mong magbigat, pipilitin ka nila sa pamamagitan ng pagmamakaawa, pagsambit ng mga makabagdamdaming pangungusap, at paghawak sa iyong mga kamay at braso nang sa gayon ay mandiri ka at madumihan upang magbigay ka rin sa huli. Mautak sila, ‘di ba? Kadalasang nagagalit ang tsuper sa kanila kaya pabababain sila sa dyipni, sisigawan, at pagmumurahin. Ang batang pulubi naman, bilang ganti, aasarin at lalaitin ang tsuper, “Kalbo! Panot! Matanda!,” sabay takbo palayo.

Tuwing tag-ulan, kapag tumila-tila na ang ulan at kapag nakatigil ang dyipni dahil traffic, may biglang magbubuhos ng tubig na may halong sabon sa windshield ng dyip at pupunasan ng basahan, pagkatapos ay hihingi ng bayad kahit hindi naman sila sinabihang gawin iyon, kaya wala nang magagawa ang tsuper kundi magbigay ng kaunting barya. Siyempre, hindi mawawala sa lansangan ang mga street vendors na nagtitinda ng basahan, dyaryo, sigarilyo, kendi, at iba pang mga bagay-bagay. Talagang sa mga panahon ngayon, hindi maitatanggi ang kahalagahan ng transportasyon, lalo na ng dyipni, sa araw-araw na buhay at pamumuhay ng mga Pilipino.

Mayroon ngang mga palabas at programa sa telebisyon at pelikula na nagpapakita ng mga maaaring mangyari sa dyipni sa hinaharap. Katulad ng nakalilipad na dyipni na maaaring maglakbay saan mang sulok ng daigdig (mapapanood ito sa programa ng ABS-CBN at Studio 23 na “Sineskwela”). Nakatutuwang isipin na ganito kalawak ang isipan at kamalikhain ang mga pinoy. Kahit alam nating malabong mangyari ito, nakatutuwa pa ring marinig at mapanood ang ganitong mga kaisipan. Pero mangyari nga kaya ang ganito sa hinaharap? Marahil hindi na natin aabutan ito kung mangyayari at magkakaroon man nito. Ang mabuti nalang nating pag-ukulan ng pansin ay ang reyalidad ng buhay sa mundo sa kasalukuyan at maging sa hinaharap.

Matatag kong pinaniniwalaan na hindi na talaga maaaring maalis ang tatak at konsepto ng dyipni sa Pilipinas magpakailanman. Kawangis ng ibang mga pambansang simbolo at sagisag, ito ay nakabaon at nakakintal na sa puso at isipan ng bawat mamamayang Pilipino.


Mga Akdang Sinipi

2Gove, Philip Babcock. Webster’s Third New International Dictionary. Springfield, Massachusetts: Merriam-Webster, 1993.

1Holt, Alfred. Phrase and Word Origins: A Study of Familiar Expressions. New York: Dover, 1961.

1Morris, William and Mary. Dictionary of Word and Phrase Origins. New York: Harper and Row, 1962.

4Torres, Emmanuel. Jeepney. Quezon City: GCF Books, 1979.

1Weekley, Ernest. A Concise Etymological Dictionary of Modern English. New York: E.P. Dutton, 1952.

*Mga Larawan Galing sa

Torres, Emmanuel. Jeepney. Quezon City: GCF Books, 1979

Comments


Got something to say?





Your Ad Here
. . . . . . . . . . . . .