“You hit me, I’ll hit you ten times over”, aka, Bakit Masarap Gumanti
Sabi nila, kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo pa yung isa pang pisngi.
Sabi nila, kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay.
Pero sabi ko, pag binuhusan ka ng tubig, buhusan mo rin ng tubig. Pero yung kumukulo.
Minsan talaga masarap gumanti, ano? Yung iparamdam mo sa tao kung ano yung ginagawa nila sa iyo.
Halimbawa, sinampal ka. Kumulo ng dugo mo, nagdilim ang paningin mo, at nagbaga ang dibdib mo. Sinampal mo ng mas malakas ang mahadera. Umamin ka. Iba yung amats na naramdaman mo nung humataw yung palad mo sa pisngi ng kasampalan mo, diba? Mahapdi, oo, pero may halong high. Kasabay ng paghampas mo ay ang paglukso ng puso mo na syang magdadala ng agos ng dugo sa utak mong nawawalan na ng tamang ulirat. Adrenaline rush.
Minsan nga, pinagpa-planuhan pa ang paghihiganti, diba? Step-by-step pa ang execution, at minsan, ‘killing me softly‘ pa ang drama, para damang-dama ang hinagpis ng paghihiganti. Ikaw namang si demonyita, talagang nilalasap pa ang mga sandaling nakikita mong epektibo na ang plinano mong resbak. Tuwang tuwa ka naman kasi nakikita mo nang gumagapang na sa putikan ang kaaway mo.
‘Ah, itulak mo daw ba ako sa kanal, ah. Pwes, lulunurin kita sa imbornal.’
Mga ganung trip, ba.
Bigay tayo ng ibang halimbawa. Eto uso eh, para maka-relate ang mga tao. Nag-text ka. Hindi ka nireplyan. Nagtext ka ulet. Hindi ka ulet nireply-an. Mamaya-maya, nag-text na sya. Aba, hindi ka nireplyan kanina diba? Ikaw naman ngayon ang hindi nagrereply. Wag magmalinis, mga ate at kuya. Ginagawa nyo yan. Pero ano ang ending? Pareho kayong hindi nag-usap. Imbes na matigil ang kawalan ng komunikasyon, at imbes na mapagusapan at intindihin ang rason sa hindi pagtext, ayan… tuluyan na kayong nagka-uratan at forever nang hindi maguusap. Hindi nag-reply si gago/gaga, eh.
O, tanga. Sino nawalan? Oo, siya, kasi hindi ka na nakikipagusap sa kanya. Pero diba, nawalan ka din?
Ang totoo nyan, wala ka namang nakukuha pag gumanti ka. Walang bumalik sa iyo, nadagdagan pa yung sakit sa katawan mo. Namumula na nga pisngi mo sa sampal, namamanhid pa palad mo dahil malakas pagkakahampas mo. Sinong talo? Ikaw din. Pag binato mo din ng bato yung taong nambato sa iyo, malamang sa susunod hollow block na ibabato sa iyo nyan. Palakihan lang kayo ng palakihan ng panira. Batuhan lang ng batuhan, hanggang sa dadating ang araw na makikita mong duguan na kayo pareho. Talung talo ka na, kasi ang dating taong kadaupang-palad mo, naging kaaway mo na.
‘Paghihiganti.’
Sa ingles, ‘Revenge.’
At ang pinakamasarap pakinggan, lalo na pag ikaw ang na-agrabyado, ‘Retaliate.’ Parang ang lakas ng amats diba. Ang lakas ng ‘wapak!’ Parang kagat-labi ka pa pag humataw ka pabalik eh. ‘Retaliate.’ Ang lutong, naknamputsa.
Ang sarap gumanti, diba? Yung maiparamdam mo lang talaga eh, ayos na yun, eh. Pero dahil sa pagpaparamdam na yan, lalo lang humahaba ang away, lalo lang lumalaki ang gulo. Kaya walang world peace, eh. Ang sarap kasi gumanti. Kaya bibihira lang talaga yung mga taong hindi gumaganti. Minsan kasi kailangan mong iparamdam sa tao yung naramdaman mo para lubusan nilang maintindihan kung gaano kasakit yung ginawa nila. Minsan kasi, sa pagganti mo, umaasa ka na hindi na uulitin ng taong yun yung ginawa niya sa iyo, kasi tinuruan mo na siya ng leksyon, eh. Masakit eh, kaya hindi na uulitin.
Yun naman talga yung pinaka-pakay ng paghihiganti. Yung maiparamdam sa taong nagkasala sa iyo yung sakit, para sa susunod wag nang ulitin. Pero yun din ang iniisip nya, eh. Paano kayo matatapos nyan?
Mabigat sa loob yung magtimpi. Ginago ka na, ngingiti ka pa. Sinampal ka na, ibibigay mo pa yung kabilang pisngi. Binato ka na, bibigyan mo pa ng tinapay. Winalanghiya ka na, papakitaan mo pa ng pang-unawa. Tinarantado ka na, paramdaman mo pa ng pagmamahal.
Pero kasi minsan, yun lang talaga ang pwede mong gawin, para hindi lumaki ang gulo. Yun lang ang pwede mong gawin para maplantsa ang gusot. Minsan kailangan mong lawakan yung utak mo, para maintindihan mo kung bakit ka sinaktan ng isang tao.
Lahat naman ng bagay na nangyayari may rason, at kung inintindi mo ang motibo sa likod ng pananakit na ‘yun, malamang malalaman mo na ikaw pala may nagawa ding mali, kaya ka ginawan ng mali. Sa pagiintindi at paguunawa mo kasi makukuha yung solusyon sa gulo.
Mahirap eh, kasi mas madali at mas masarap mag-retaliate. Iba yung kapow, eh. Mas mahirap yata yung pumikit ka, bumilang ka ng isa hanggang isang milyon, para kumalma ang dugo at damdamin mong naghihimagsik dulot ng pananakit ng ibang tao. Mas mahirap yung pigilan ang bugso ng damdamin. Pero kung ayaw mong lumaki ang gulo, yun ang dapat mong gawin. Kahit gaano kahirap.
At ang pinaka-magandang bagay siguro na dapat gawin, para hindi na rin umabot sa gantihan, eh, gawin mo nalang sa kapwa mo kung anong gusto mong gawin sa iyo. Kung ganyan ba naman ang klase ng ‘gantihan’ na magaganap, eh di world peace chever na.
Diba nga, sabi nila, ‘Huwag mong gawin sa kapwa mo ang ayaw mong gawin sa iyo.’
Kaya kung gusto mong batuhin ka ng tinapay, mambato ka ng tinapay.
Kaya kung gusto mong maging masaya, magpasaya ka.
Kung gusto mong intindihin ka, matuto kang umintindi.
Kung gusto mong mahalin ka, matuto kang magmahal.
**http://orewatensai.wordpress.com
panitikan || paglalakbay || pagkain || kuru-kuro sa buhay-buhay






