Awit ng Makata

“Kami ay mga makatang hindi napapagod mamulot ng tula.

Ito ang aming maskara.

Pero ang totoo,

kami ay mga basurerong naghahanap ng ginto

sa bote, garapa, at diyaryo.”

– Richard Gappi, ‘Prologo’

Ito ang pinili naming bokasyon:

ang magmasid kung paanong ang tao ay pinaiikot ng mundo.

Sapagkat sa ganitong paraan namin nauunawaan

na may ibinubulong ang hangin,

may isinisigaw ang katahimikan,

may tinatanglawan ang dilim,

may bango ang pusali,

may langhaya ang burak,

may yaman ang basura.

Dito namin nababanaag ang pag-asa sa kamatayan,

ang ngiti sa kalungkutan,

ang eksistensya sa kawalan,

ang dunong sa kahangalan.

Ang inspirasyon namin ay ang mga karanasan at

mga pangarap ng tao,

ang kanbas namin ay ang pisngi ng mundo.

Sapagkat ang totoo,

mayroon ngang ginto sa ‘di pinapansing bote, garapa, at diyaryo.

*pahabol na alay para sa World Press Freedom Day.

C-5

//
kagabi,

nalaman ko kung gaano karupok ang buhay ng tao –

habang humahangos papunta sa direksyon ko

ang kotse ng t****** lasing na drayber,

parang slomo na nag-flash sa isip ko ang buong buhay ko

kasama ang high-def na larawan ng lahat ng taong minahal,

minamahal,

at mamahalin ko.

Pero sadya nga atang matagal mamatay ang masamang damo –

heto’t buhay na buhay pa ako

at muling humahabi ng mga kalatas at mga berso.

–ika-21 ng abril, 2010

pasig city

  . .